PDU30 PINAKIKILOS SA PAGTATAYO NG CELL SITES PARA SA E-LEARNING

cellsite12

NANAWAGAN si Senador Grace Poe kay Pangulong Rodrigo Duterte na atasan ang lahat ng kinauukulang opisyal ng pambansa at lokal na pamahalaan na tugunan ang hadlang sa pagtatayo ng cellsites sa buong bansa para sa mga mag-aaral na sasailalim sa e-Learning sa harap ng pandemya.

Sa pahayag, umapela si Poe sa Pangulo na pakilusin ang kinauukulang ahensiya upang mawala ang balakid sa pagtatayo ng cell sites at magkaroon ng maasahan, tuloy-tuloy at mabilis na internet service sa malalayong lugar.

“Nananawagan tayo sa ating Pangulo na pakilusin ang mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan na tugunan o alisin ang nagiging balakid sa pagtatayo ng mga kinakailangang imprastraktura upang maabot ng makabagong edukasyon ang ating mga kabataang nangangarap na umunlad sa buhay,” ayon kay Poe.

Naunang inamin ng Department of Information and Communication Technology (DICT) na kakulangan ng imprastruktura sa bansa ang sanhi ng mabagal na internet sa kanayunan dahil umabot lamang sa 20,000 ang towers na naitayo sa bansa kumpara sa 70,000 sa Vietnam.

“Kailangan natin ng mas maraming towers na sumusunod sa kaligtasan at pamantayan ng kapaligiran,” ayon kay Poe saka binanggit na kailangan pang magtayo ng 50,000 cell sites sa buong bansa.

Binanggit pa ni Poe na ginagarantiyahan ng Saligang Batas na bibigyan ng prayoridad ng Estado ang edukasyon at teknolohiya upang “mapabilis ang kaunlarang panlipunan at itaguyod ang total human development.

Sa pinakahuling Speedtest Global Index, naitala ang pinakamabagal na internet speed sa Pilipinas na umabot lamang sa 21 mbps kumpara sa global average na 74.74 mbps, kaya nasa ika-110 ang ranggo nito mula sa 174 bansa.

Nauna nang sinuportahan ni Poe ang inclusive common cell tower policy upang magkaroon ng kumpetisyon na magdudulot ng mas mabilis na connectivity at mababang halaga.

Umaasa si Poe na makatutulong ang tugon ng Pangulo upang mapabilis ang proseso sa pagtatayo ng connectivity, kasunod na mga interbensiyon sa ilang isyu na ipinalulutang ng ilang apektadong stakeholders.

Nagsilbing co-author si Poe ng Republic Act 11032 o ang Ease of Doing Business Act, na inaatasan ang lokal na pamahalaan na pabilisin ang pag-aapruba ng mga permiso at lisensiyang kailangan sa pagtatayo ng cell towers. ESTONG REYES

97

Related posts

Leave a Comment