PDu30 pinasalamatan ni Rep. Helen Tan BENEPISYO SA HCWs TULOY-TULOY SA RA 11712

NILAGDAAN na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang batas na nagbibigay mandato para sa tuloy-tuloy na benepisyo ng mga healthcare worker sa panahon ng COVID-19 at iba pang public health emergencies na maaring maganap sa mga darating na panahon.

Ang Republic Act No. 11712 o ang “Public Health Emergency Benefits and Allowances for Healthcare Workers Act” ay nakatakdang magbigay benepisyo sa lahat ng healthcare and non-healthcare workers, anoman ang kanilang katayuan sa trabaho, sa panahon ng COVID-19 pandemic o iba pang mga national public health emergencies na maaaring maganap.

Nagpasalamat si Quezon 4th District Representative Angelina “Helen” Tan na tumatayong tagapanguna ng committee on health ng Kamara at isa sa mga may akda ng batas sa paglagda ng Pangulo. “Lubos ang aking katuwaan na matapos ang mahabang usapin at sa harap ng maraming hinaing ng ating mga health care workers ay mabibigyan na sila ng patuloy na mga benepisyo sa panahon ng COVID-19 at iba pang mga pandemya na maaaring maganap. Nagpapasalamat ako sa Pangulong Duterte sa kanyang pagtaguyod sa ating mga workers sa health sector. Ito ay mahalagang regalo sa ating mga manggagawang pangkalusugan lalo na sa paggunita ng Labor Day sa bansa,” pahayag ni Tan.

Sa ilalim ng nasabing batas, ang lahat ng health care and non-health care workers ay makatatanggap ng health emergency allowance sa bawat buwan ng kanilang serbisyo sa panahon ng pandemya tulad ng COVID-19 depende sa risk exposure categorization: P3,000 para sa mga nagtatrabaho sa low-risk areas; P6,000 doon sa “medium risk areas; at P9,000 kung naka-assign sa “high-risk areas.

Bukod dito, ang mga nahawa ng COVID-19 habang nasa trabaho ay mabibigyan ng kabayaran: P1 million para sa mga naulila ng mga namatay; P100,000 para sa mga severe o critical case; at P15,000 para sa mild to moderate case.

Mabibigyan din ang lahat ng health care and non-health care workers ng full PhilHealth coverage.

Ang nasabing mga benepisyo ay magkakaroon ng retroactive application mula Hulyo 1, 2021 at mananatili habang may state of national public health emergency na idineklara ang Pangulo.

153

Related posts

Leave a Comment