NANAWAGAN kay Pangulong Rodrigo Duterte ang mga mananakay ng Metro Rail Transit (MRT) na pagtuunan ang pagpapabuti sa serbisyo ng nasabing transportasyon.
Daing ng mga commuter, dapat siyasatin ng Pangulo ang mga nangangasiwa sa MRT upang masiguro na mas magiging epektibo ito at mabawasan kundi man tuluyang mawala ang mga aberyang kakambal na ng operasyon nito.
Sa tindi ng trapiko sa Metro Manila ay ang mga commuter ang pangunahing napiperhuwisyo kapag nagkakaaberya ang opersayon ng MRT na siyang inaasahan dapat ng publiko sa maalwang sistema ng transportasyon.
Subalit, maikling panahon lamang nalasap ng mga commuter ang kumportableng biyahe ng MRT dahil nang mapalitan umano ang nangangasiwa ng service provider ay naging palpak at madalas ang aberya sa mga pagbiyahe nito sa kahabaan ng EDSA.
Nasa 500,000 katao ang dating naisasakay ng MRT subalit nang magpalit ng maintenance company ay nasa 250,000 na lamang kada-araw ang naisasakay kaya mistulang sardinas ang mga pasahero sa pagsisiksikan.
“Panay ang papogi nila sa media tulad sa ginawa nilang “terrorist bomber drill” sa Cubao station nitong nagdaang araw.., okey ako run kasi for safety ng lahat, pero ang dapat nilang unahin e yung kalidad ng train para hindi pasira-sira, imbes na maging on-time ang lahat sa work o school e perhuwisyo ang dinaranas ng mga commuter,” pahayag ng isa sa mga suki ng MRT na si Edwin Reas, 45.
“Sa ngayon, magmula nang ibalik sa kumpanyang Hapones na Sumitomo ang maintenance operation ng MRT3, kahit painut-inot ay nagkakaroon ng pagbabago sa serbisyo nito. Yun lang, kailangan pa rin nating maghintay ng mga 2 hanggang 3 taon pa bago tuluyang mabalik ‘yung dating bilang na 22 train na tumatakbo sa kahabaan ng EDSA, ” pahayag naman ng isa pang commuter na si Roland. TJ DELOS REYES
232