PENSYON NG SENIORS TITRIPLEHIN

(NI BERNARD TAGUINOD)

DAHIL mas marami ang mahihirap na matatanda sa Pilipinas kumpara sa mga nakaririwasa, isinusulong ngayon ng isang mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na triplehin  ang pensyon ng mga senior citizen.

Sa kanyang House Bill (HB) 4057, sinabi ni Malabon City Rep. Josephine Jaye Lacson-Noel na kailangang tulungan sa kanilang pinansyal na pangangailangan ang mga mga senior citizens sa buong bansa.

Noong 2018 umabot na umano sa 8,000,000 ang populasyon ng senior citizens o edad 60 anyos pataas sa bansa base sa datos ng Commission on Population (Popcom).

Subalit, ayon kay Noel, 90% sa mga tao ay kumakayod pa rin upang mabuhay habang 10% ay ikinokonsidera na masasakitin at hindi na nakakakilos dahil sa kanilang edad.

Bagama’t sa kasalukuyan ay mayroong P500 na social pension ang mga senior citizens na nakapaloob sa Republic Act (RA) 7432 , sinabi ni Lacson-Noel na hindi na ito nakasasapat sa mga pangangailangan ng mga matatanda.

“Unfortunately, with the increasing value of our basic commodities and improvenment of medical requirements among medical institutions for our elders, the above-mention Republic Act (7432) is no longer attuned to our socioeconomic state,” paliwanag ng mambabatas sa kanyang panukala.

Kahit may discounts ang mga ito na 20% sa lahat ng kanilang pangangailangan tulad ng gamot at iba pang prebilehiyo ay hindi pa rin umano nakakasapat ang nasabing halaga lalo na sa mga walang pensyon mula sa Social Security System (SSS) o kaya sa Government Service Insurance System (GSIS).

Dahil dito, nais ng mambabatas na gawing P1,500 ang social pension ng mga senior citizens at bagama’t hindi pa rin umano ito sapat, ay malaking maitutulong ito sa kanilang mga pangangailangan.

Kasama ang mga pensyonado sa SSS at GSIS sa makikinabang kapag naging batas ang nasabing panukala subalit tanging ang mga tumatanggap ng P5,000 pababa na pensyon mula sa SSS at GSIS lang ang titriplehin ang social pension.

 

317

Related posts

Leave a Comment