PERA NG MGA OBRERO ‘ISUSUGAL’ NI BBM

(BERNARD TAGUINOD)

BAGAMA’T nasa alanganin ang global financial system, nais pa ring isugal ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang pera ng mga obrero.

Ginawa ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas ang pahayag dahil nakatakdang ipasa ng Senado ang kanilang bersyon sa Maharlika Investment Funds (MIF) kung saan kabilang sa huhugutan ng pondo ang pera ng mga manggagawa sa Social Security System (SSS), Government Service Insurance System (GSIS), Pag-IBIG fund at PhilHealth.

Ang mga nabanggit na financial institution ay literal na pag-aari ng mga obrero dahil sa kanilang buwan-buwang kontribusyon.

“The US is inching closer to debt default, major banks are collapsing, and uncertainties persist in the global financial system. Yet the Marcos Jr. administration still wants to gamble public funds even in foreign corporate bonds and mutual funds in underlying assets through the proposed Maharlika bill,” ani Brosas.

Sa ilalim ng Section 14 ng Senate Bill (SB) 2020, papayagan ang mamili ng bonds, joint-venture o co-investment, trading sa ibang bansa at mamuhunan sa real estate at infrastructure projects.

Nangangamba si Brosas sa gagawing ito ni Marcos lalo na’t walang kasiguraduhan na hindi malulugi ang gobyerno sa papasuking mga negosyo gamit ang pera ng bayan.

Isa sa mga layon ng MIF ay palaguin ang pondong ilalaan dito na base sa bersyon ng Senado ay aabot ng P500 billion at magamit sa social services sa bansa.

“Maraming pamamaraan para makalikom ang gobyerno ng karagdagang pondo para tustusan ang pangangailangan ng mamamayan. At hindi dapat kasama ang Maharlika Investment Fund sa listahang iyan,” ani Brosas.

Kabilang aniya sa pwedeng pagkunan ng gobyerno para magkaroon ng sapat na pondo para maibigay ang serbisyong nararapat sa mamamayan ay AFP modernization funds, patawan ng wealth tax ang Filipino billionaires, kunin ang operasyon ng Petron at Malampaya, at maging ang pensyon ng Military Uniformed Personnels (MUP) na kinukuha sa taxpayers.

44

Related posts

Leave a Comment