(CHRISTIAN DALE)
IPINAG-UTOS ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na ipamahagi ang coronavirus vaccines na dinevelop ng Pfizer Inc. sa indigent population.
Nais ng pangulo na ang American-made vaccines ay mapunta sa mahihirap na komunidad na mayroong “low vaccine take-up” at hindi sa shopping malls.
Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque na hangad ng pangulo na mapalakas ang indigent population laban sa sakit.
“Ipinag-utos ng pangulo na ibigay ang Pfizer sa mahihirap o sa indigent population dahil ‘yan ang patakaran ng COVAX facility,” ayon kay Sec. Roque.
“Dagdag ng presidente na ilagay ang Pfizer hindi sa mga malls kung hindi sa vaccination sites ng mga barangays kung saan mababa ang take-up ng vaccines. Ito ay ayon na rin sa unang direktiba ng pangulo na mabakunahan ang Pilipino nang libre. Walang maiiwan,” dagdag na pahayag ng kalihim.
Ang huling direktiba ay ipinalabas kay vaccine czar Carlito Galvez Jr. matapos magpahayag ng pag-aalala ang pangulo sa distancing protocol na nalabag dahil sa mahabang pila ng mamamayan na naghihintay na makatanggap ng Pfizer vaccines mula sa ilang local government units.
Matapos mapansin ng pangulo ang tila pagiging ‘bias’ sa western brand, umapela ang Chief Executive sa publiko na huwag nang mamili pa ng brand ng bakuna na ituturok sa kanila, tiniyak rin nito na ang lahat ng bakuna ay ligtas at epektibo.
Nito lamang unang bahagi ng Mayo ay natanggap ng Pilipinas ang mahigit sa 190,000 bakuna na gawa ng American pharmaceutical giant sa ilalim ng World Health Organization-led COVAX facility.
Nag-order naman ang pamahalaan ng mas marami pang Pfizer vaccines para palakasin at paramihin ang suplay ng bansa.
Kaugnay nito, kumpiyansa si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benhur Abalos na mababakunahan ang 50% hanggang 70% ng mga residente sa Kalakhang Maynila bago dumating ang Nobyembre 27, 2021.
Sa virtual press briefing ni Presidential spokesperson Harry Roque, sinabi ni Abalos na sa patuloy na pagdami ng bakuna, idagdag pa ang namamayaning Bayanihan sa Kalakhang Maynila ay maisasakatuparan ang nais ni Pangulong Duterte na mabakunahan ang 50-70% ng mga residente ng Kalakhang Maynila.
Sinabi pa rin ni Aballos na simula kahapon ay maganda ang performance ng bawat LGU.
Hindi rin aniya titigil ang mga ito dahil pinaghahandaan pa ng mga alkalde hanggang sa Hunyo o Hulyo ang pagbabakuna kung saan sinasabing aabot ng 10 hanggang 15 milyon ang bakuna.
79