PHILHEALTH FUND TRANSFER PAGNANAKAW SA BAYAN

(CHRISTIAN DALE)

TINAWAG ni Dr. Tony Leachon ng Philippine Medical Association na “immoral at pagnanakaw” ang paglilipat ng pondo.

“Pagnanakaw po ‘yun. Kasi alinsunod ho sa batas, any pondo po ng PhilHealth, kung sumobra po kayo, gagamitin lang ninyo po sa dalawang bagay: ang una po ay palakihin po ang benepisyo ng bawat pasyente. Ninakawan ka na, niloko ka pa,” diing pahayag nito.

Sa taunang pagtaas sa kontribusyon, binigyang-diin ni Leachon na hindi dapat idahilan ang universal health care access para pondohan ang mga tulay at gusali.

“E kailan ka makakagawa ng tulay? Sampung taon. E ngayon ka na mamamatay, e ‘di dapat ngayon mo gamitin ang PhilHealth para makasagip ka ng tao araw-araw,” aniya pa rin.

“Nasa General Appropriations Act of 2024, nakasaad dun, tignan ninyo ‘yung mga natutulog na pera na nandiyan sa GOCC na hindi napapakinabangan. Kung may sobra, gamitin natin sa pagpopondo ng unprogrammed fund ng budget. Sa dami ng pangangailangan ng 115 million Filipinos, mula sa kalusugan, sa edukasyon, sa imprastraktura, sa agrikultura, kailangan nagagamit natin nang maayos ang pondo ng taxpayer o pondo ng pamahalaan,” dagdag na pahayag ni Leachon.

Dapat Pakinabangan

Dapat lamang mapakinabangan nang tama ang pondo ng PhilHealth.

Ito’y matapos mapaulat na may isang buntis at kanyang anak ang namatay sa lansangan matapos tumangging magpadala sa ospital sa pangamba na hindi makabayad ng hospital bills.

Dahil dito, dapat lamang na tugunan ng PhilHealth coverage ang ‘maternity needs’ ng kababaihan.

Sa pinakabagong episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” isiniwalat na ang PhilHealth, nangangasiwa sa universal health coverage ng oversees Filipinos, ay mayroong surplus funds na nakatakdang ilipat sa ibang proyekto para sa imprastraktura.

Tinatayang P90 billion ang excess funds, dapat gumawa ang ahensiya ng ‘more tangible impact’ sa mga Pilipino na umaasa sa PhilHealth para sa kanilang hospitalization at healthcare coverage.

Kamakailan sa Senate hearing, inatasan ang PhilHealth na i-remit ang P89.9 billion na excess subsidies sa National Treasury, gaya ng nakamandato sa General Appropriations Act of 2024.

“To fund the unprogrammed appropriations, Congress determined that there is another way at ito ay sa pamamagitan ng pagkolekta sa mga natutulog at hindi nagagamit na pera ng GOCCs,” ayon kay Finance Secretary Ralph Recto.

Hinamon naman ng Senado ang acquisition ng pondo ng PhilHealth matapos isiwalat na ang pera ay inilaan para sa road construction.

“Hindi ko nais dagdagan ang buwis na sasaluhin ng mamamayang Pilipino. So kung may natutulog na pera diyan at pwedeng pakinabangan, gastusin natin nang tama, bakit hindi?” ang dagdag na pahayag ng Kalihim.

Nilinaw naman ni Recto na ang PhilHealth contributions ng mga miyembro ay hindi apektado nito at ang benefit packages ay hindi nabawasan sa halip ay tumaas pa ng 30% ‘across the board.’

Sa kabilang dako, kaagad namang nagbigay ng reaksyon ang Private Hospitals Association of the Philippines nang mailathala ang excess budget ng PhilHealth, tinanong kung bakit ibabalik ng ahensiya ang pondo lalo pa’t may utang ang PhilHealth sa private hospitals mula sa discounts na ibinigay sa ilang pasyente.

“Ang estimate namin ngayon mga around 4 to 6 billion pesos. ‘Yun pala meron pa silang ganun kalaking pera na tinatago o sinasabi na savings. Tapos parang hirap na hirap silang magbayad sa amin. Bakit ganun?” ayon kay Dr. Jose De Grano.

Bilang tugon, sinabi ni Recto na ang unang ginawa ay binayaran ang P27 billion sa mga frontliners sa panahon ng pandemya.

“Pangalawa, ang budget ng health, on the average, ang increase, mga 25%. Ang isang kulang na kulang natin, ‘yung dagdagan dapat natin ‘yung imprastraktura, dagdag na hospital, dagdag na hospital beds ang kailangan ng public health natin. Kahit may PhilHealth ka, kung walang ospital, magagastos mo ba ‘yung PhilHealth?” ayon kay Recto.

Sa kakapusan naman ng medisina sa mga barangay health centers, nilinaw ni Recto na saklaw ito ng budget ng Department of Health at hindi ng PhilHealth.

Samantala, gagawa naman ang Korte Suprema ng pinal na desisyon ukol sa kung saan dapat mapunta ang excess funds ng PhilHealth.

42

Related posts

Leave a Comment