(NI ABBY MENDOZA)
INIHAHANDA na ni Atty. Harry Roque ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa mga tiwaling empleyado ng Philhealth na nag-iisyu ng pekeng resibo sa mga Overseas Filipino Workers(OFWS) sa kanilang ibinabayad na premium na hindi naman inireremit at ibinubulsa lamang.
Kasabay nito ay panibagong kaso ng malversation of public funds ang inihahanda ni Roque laban sa mga may-ari ng Wellmed Dialysis Clinic at sa mga opisyal ng Philhealth matapos mapatunayan na may kasabwat ang clinic sa loob ng Philhealth sa pagkamal nito ng pondo.
“Ang tamang reklamo po diyan ay malversation of public funds dahil ang nangyari nagkaroon ng pagdarambong ng pera ng taong bayan dahil may kasasbwat ang mga may ari ng Wellmed sa Philhealth mismo, isa yan sa bagong kaso isasampa,” pahayag ni Roque sa isang forum sa Quezon City.
Upang lalong tumibay ang kaso ay nakatakdang kausapin ni Roque si Pangulong Rodrigo Duterte upang kausapin ang pamunuan ng Philhealth na makipagtulungan para makuha ang mga kinakailangang dokumento para sa case build up.
Nilinaw i Roque na hindi lamang ang Wellmed ang kanyang hinahabol kundi upang matiyak na mapoprotektahan ang pondo ng Philhealth.
“Ako po ay nababahala habang hindi pa nalilinis ng Philhealth ang pondo na para sa ating mga kababayan ay mapunta na naman para patabain ang mga baboy sa philhealth. Napakagagaling po ng walang hiyang baboy sa Philhealth na yan,” dagdag pa nito.
Samantala, umapela si Roque sa House of Representatives na maisulong ang panukalang Whistle Blower Act, sa ilalim nito ay mabibigyan ng absolute immunity ang mga taong magbibigay ng impormasyon para maisapubliko ang korapsyon sa gobyerno.
“Kung walang ganitong batas posibleng ang mga whistleblower pa ang makulong gaya ng nangyari sa whistleblowers ng Philhealth,” dagdag pa nito.
183