PIMENTEL NAMUMURO SA GRAFT?

SEN KOKO PIMENTEL-3

(PFI REPORTORIAL TEAM)

POSIBLENG maharap sa kasong graft si PDP-Laban president Senator Koko Pimentel dahil sa kanyang pag-endorso sa bagong motorcycle taxi ride-hailing app na JoyRide sa Department of Transportation (DOTr).

Sa liham na may petsang September 2, 2019 na naka-address kay Transportation Secretary Arthur Tugade,  tahasang inendorso ni Pimentel ang liham ni We Move Things Philippines president Neil Sherwin Yu na humihiling na mapasama sila sa isinasagawang pilot run ng motorcycle taxis. Ang We Move Things Philippines ang parent company ng JoyRide.

Sa Kapihan sa Manila Hotel kahapon, sinabi ni Atty. Raymond Fortun ng Lawyers for Commuter Safety and Protection (LCSP) na hindi dapat magpadrino ang sinomang mambabatas para sa isang pribadong organisasyon na may aplikasyon sa isang government agency.

“Direkta man o hindi direktang nakasaad, ang liham ni Senator Pimentel ay isang pamamagitan para sa kapakinabangan ng JoyRide,” ani Fortun. At batay aniya, sa mga kasalukuyang kaganapan, lumilitaw na nakinabang nga ang Joyride sa nasabing aksiyon dahil kasama na sila sa isinasagawang pilot run.

Dumalo rin sa nasabing press briefing si Atty. Trixie Cruz-Angeles upang pabulaanan ang naunang napabalitang pagkakasangkot ni Sen. Bong Go.

“Labis akong nabahala sa mga alegasyon laban kay Senador Go at ang pagkadawit sa kanyang pangalan sa kontrobersiyang ito kaya agad kong inilabas ang kanyang disclaimer para patunayang wala talaga siyang kinalaman dito,” ani Angeles.

Ayon pa kay Angeles, nakatanggap din siya ng kontrobersiyal na endorsement letter ni Pimentel sa DOTr para sa JoyRide mula sa umano’y Concerned Employees of DOTr.  Pinadalhan din umano siya ng mga ito ng dalawang larawan- isa ay nagpapakita sa kasalukuyang JoyRide onboarding facility na kinunan noong Enero 2019 at isa pang larawan na nagpapakita naman ng malaking karatula ng pagbati ni Pimentel sa harap ng nasabi ring gusali na ngayon ay ginagamit ng Joyride.

Ito ang nagpalakas sa hinala na may kinalaman umano si Pimentel sa JoyRide.

“Mapapatanong ka talaga—ano ba ang totoong koneksiyon ni Senador Koko Pimentel sa JoyRide? Nagkataon lang ba o totoong magkamag-anak ang asawa ni Koko na si Kathrina Yu at ang president ng JoyRide na si Neil Sherwin Yu? “ dagdag pa ni Angeles.

Sa kanilang sariling press conference kamakalawa, sinabi ng JoyRide na si Pimentel ay isang “family friend” ng mga may-ari ng JoyRide na kinilalang sina Ralph Nubla at Bea Chua. Ito umano ang dahilan kung bakit sila humingi ng tulong kay Pimentel upang i-endorso ng senador sa DOTr ang kanilang kahilingang mapasama sa pilot run.

Isa pa umanong mahalagang tanong, ani Angeles, ay kung totoong kaibigan lamang ng pamilya si Pimentel, bakit hahayaan ng senador na posible siyang makasuhan ng graft dahil sa ginawang pabor?

Ayon kay Angeles, ang endorsement ni Pimentel ay paglabag sa Section 3 (e) ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

Samantala, mariing tinuligsa ni Atty. Ariel Inton ng LCSP ang umano’y mga iregularidad sa pangangasiwa ng DOTr at LTFRB sa kasalukuyang expanded pilot run ng motorcycle taxi.  Kabilang, aniya, sa mga iregularidad na ito ang pagtanggal sa mga orihinal na miyembro ng Technical Working Group (TWG), ang pagsasagawa ng TWG meetings na eksklusibo sa mga miyembro ng bagong TWG na walang opisyal na direktiba mula sa DOTr at ang pagtanggap sa dalawang players nang walang kaukulang pag-aaral upang suportahan ang nasabing desisyon.

Pag-aaralan umano nina Inton at Fortun ang susunod na legal nilang hakbang sa gitna ng mga nabanggit na iregularidad.

161

Related posts

Leave a Comment