MALALAMAN na kung saan ginamit ni Vice President at dating Department of Education (DepEd) secretary Sara Duterte ang kanyang intelligence at confidential funds matapos atasan ng Kamara ang Commission on Audit (COA) na isumite ang mga dokumento ukol dito.
Sa pagdinig ng House committee on appropriations sa budget ng COA sa susunod na taon, inatasan ni Marikina Rep. Stella Quimbo, presiding chairman ng nasabing komite, ang kanilang report kung saan nagamit ni Duterte ang kanyang confidential at intelligence funds.
Ginawa ni Quimbo ang kautusan matapos walang tumutol sa mosyon ng tatlong miyembro ng Makabayan bloc na mag-isyu ng “subpoena duces tecum’ sa COA kaugnay ng kanilang report sa intelligence at confidential funds ni Duterte.
Sa pagtatanong ni ACT party-list Rep. France Castro, inamin ng COA na nakapagsumite na ng report ang Office of the President (OVP) at maging ang DepEd kung saan nila ginamit ang kanilang intelligence at confidential funds.
Dahil hindi puwedeng isapubliko ang report at aksyon ng COA, hiniling ni Castro na mag-isyu ang komite na subpoena duces tecum upang makita ang buong report na hindi tinutulan ng kanilang isang miyembro ng komite.
Sa ilalim ng kasalukuyang batas, hindi inaudit ng COA ang intelligence at confidential funds subalit nagrereport ang mga ahensyang may ganitong pondo.
Kabilang na rito ang P125 million na intelligence at confidential funds na nagastos umano ni Duterte sa loob ng 11 araw noong 2022 at maging ang P150 million na ibinigay sa DepEd at P500 million sa OVP noong 2023.
“Kailangan nating makita kung tama ang paggamit ng pera ng bayan,” ani Castro kaya ipinasok ang kanyang mosyon lalo na’t walang malinaw na paliwanag si Duterte kung saan nagamit ang pondong ito.
Magugunita na dahil sa kontrobersyal sa P125 million, iniatras na ni Duterte ang kanyang hinihinging intelligence at confidential funds para sa taong kasalukuyan. (BERNARD TAGUINOD)
73