PINAS HINDI PA HANDA SA BLENDED LEARNING

HINDI naniniwala si Pangulong Rodrigo Roa Duterte na handa na ang bansa na mag-shift sa blended learning o combined methods para turuan ang mga estudyante sa gitna ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.

Ang pahayag na ito ni Pangulong Duterte ay makaraang sabihin ng Department of Education (DepEd) na handa na sila sa pagbubukas ng klase sa darating na Agosto 24 na mamarkahan ng online schooling at take home modules lalo pa’t ang face-to-face classes ay hindi papayagan habang nakabinbin ang bakuna laban sa COVID-19.

Ang DepEd ay nagsasagawa na ng paghahanda kahit pa sinabi ng Pangulo na walang klase hangga’t walang available na bakuna.

“We have to wait for the vaccine. Walang vaccine, walang eskwela. Si Secretary Briones, she has this alternative learning, a very good program, like teleconferencing, but I don’t know if we are ready for that,” ayon sa Pangulo.

“Do we have enough? If she can afford to buy it, she can proceed with this noble idea, that the children continue with their education,” dagdag na pahayag ng Chief Executive patungkol kay Education Secretary Leonor Briones.

May ilang magulang at estudyante ang nagpahayag ng pag-aalala sa implementasyon ng online learning at home schooling, lalo pa’t hindi naman mura ang halaga ng stable internet connection at hindi lahat ng magulang ay nakapagtapos sa kolehiyo at may kakayahan na turuan ang kanilang mga anak sa bahay.

Sa ulat, may 800,000 DepEd employees, kabilang na ang mga guro at 27 milyong estudyante sa basic at secondary education sa bansa. CHRISTIAN DALE

69

Related posts

Leave a Comment