PINANGANGAMBAHAN na lalo pang dadami ang mga mangingisdang Chinese sa teritoryo ng Pilipinas sa West Philippine Sea matapos silang mapalayas sa kanilang fishing ground sa Vietnam at Indonesia.
Ayon kina dating Anakpawis party-list Reps, Ariel Casilao at Fernando Hicap, walang ibang pupuntahan ang mga dayuhang mangingisdang ito kundi sa WPS kaya lalo silang kinakabahan na mabilis mauubos ang isda sa ating territorial water.
Sinabi ni Casilao na nagkakaisa na ang Vietnam, Indonesia at Malaysia laban sa Chinese fishermen na ilegal na nangingisda sa kanilang territorial water habang ang Pilipinas ay patuloy ang pananahimik.
Sa katunayan, nagpadala si Indonesian President Joko Widodo ng fighter jet at barkong pandigma sa Natuna Island na bahagi ng kanilang territorial water kaya napilitan ang mga Chinese national na ilegal na nangingisda na lisanin ang lugar.
Wala umanong ibang pupuntahan ang mga naitaboy ng Indonesia, Malaysia at Vietnam na Chinese fishermen kundi sa WPS.
Gayunman, dismayado si Casilao dahil hindi kumikibo ang Malacañang at hindi nag-uutos na protektahan ang ating teritoryo laban sa mga dayuhang mangingisda na nang-aagaw ng kabuhayan ng mga Filipino.
Sinabi naman ni Hicap na nakararating na ang mga Tsino sa municipal water sa Palawan gayung ipinagbawal ng gobyerno ang mga lokal na mangingisda sa mga ganitong lugar.
Pinatutunayan umano ng maraming mangingisda sa Palawan na malalaking fishing vessels ng China ang nangingisda sa kanilang municipal water. BERNARD TAGUINOD
233