PINAY ISINILID SA FREEZER NG ASAWANG KANO 

texas55

(NI ROSE PULGAR)

ISANG Pinay ang pinatay at isinilid sa freezer ng kanyang asawang Amerikano na nagpakamatay din sa pamamagitan ng pagbaril sa sarili matapos ang krimen, sa Texas, Estados Unidos.

Kinilala ang biktimang si Alyssa Marie at mister na nakilalang si Eduard Rogers Jr.

Base sa report ng mga awtoridad sa Texas, walong araw muna ang nakalipas bago natagpuan ang bangkay ng biktima na nakalagay sa freezer.

Natagpuan din ng Texas Police ang bangkay ng suspect, na ayon sa mga kamag-anak ay nagpakamatay sa pamamagitan ng pagbaril sa sarili.

Pahayag pa na ikinumpisal pa muna ng suspect sa kanyang mga kaanak ang insidente.

Sinasabing nagtalo sila ng biktima bago ang krimen kung saan sinasaktan ng dayuhan ang biktima hanggang sa aksidenteng mabagok ang ulo nito sa semento at para maitago ang krimen ay inilagay nito ang bangkay ng kanyang misis sa  freezer.

Lumalabas sa imbestigasyon, bago ang insidente, nabatid na nais na ng biktimang i-divorce ang asawang Amerikano dahil madalas siyang gulipihin nito.

Nabatid na nagkakilala ang biktima at suspect sa online hanggang sa nauwi sa kasalan.

Subalit sa halip na kaginhawaan ang matamo ng biktima, mistulang kalbaryo ang dinanas nito mula sa kanyang mister na Amerikano hanggang sa nauwi sa kamatayan.

Sa ngayon nakikipag-ugnayan ang pamunuan ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa awtoridad ng Texas, USA para sa agarang pagpauwi sa labi ng Pinay sa Pilipinas.

 

219

Related posts

Leave a Comment