PINOY MAGUGUTOM SA ISINABATAS NA RTA — PARTYLIST

rice20

(NI BERNARD TAGUINOD)

HINDI malayong maranasan ng lahat ng mga Filipino ang magutom ng tuluyan kapag naubos ang supply ng Vietnam at Thailand at wala  ring magsasaka ng palay sa Pilipinas dahil sa Republic Act (RA) 11203 Rice Tariffication Act (RTA).

Ito ang ibinabala ni Butil party-list Rep. Cecilia Leonila Chavez kaugnay ng nasabing panukala na kanila umanong tinutulan noong nasa Kongreso pa lamang ito subalit hindi sila pinakinggan.

Sa ilalim ng nasabing batas, hindi na kokontrolin ang dami ng mga bigas na aangkatin ng mga rice traders sa ibang bansa kung saan karaniwang umaangkat ang mga ito sa Vietnam at Thailand.

Ito ang kinatatakutan ni Chavez dahil walang kasiguraduhan na kayang suplayan ng dalawang bansang ito ang pangangailangan ng mga Filipino sa bigas lalo na hindi naman umano kalakihan ang inaani ng dalawang bansang ito at hindi lang sa Pilipinas sila nagsusupply.

“Pag nagkaroon ng mahigpit na supply sa labas at wala ng natirang magsasakang magsasaka, may pera man tayo saan pa tayo kukuha ng bigas?,” tanong pa ng mambabatas.

Base sa mga report, umaabot ng 22 million metric tons ang nauubos na bigas ng mga Filipino kada taon at dahil 19 Million lang ang produksyon ng mga lokal na magsasaka ay 3 Million metric tons ang inaangkat sa dalawang nabanggit na bansa.

Kapag tuluyang tumigil ang mga magsasaka sa pagtatanim ng palay, hindi malayong aangat ng 22 million metric tons ang Pilipinas sa Vietnam at Thailand na ayon kay Chavez ay walang kasiguraduhan na kaya nila itong isuply sa Pilipinas.

“Alam po natin na hindi ganun kalaki ang margin ng supply ng bigas sa labas (ng bansa),” ani Chavez kaya umapela ito sa Malacanang na pakinggan ang hinaing ng sambayanang Filipino laban sa nasabing batas.

 

131

Related posts

Leave a Comment