Pinoy pobre pa rin IBINIDANG GDP NG MARCOS ADMIN WA EPEK

(BERNARD TAGUINOD)

WALANG silbi ang ipinagmamalaki ng administrasyong Marcos Jr. na paglago ng gross domestic product (GDP) hangga’t hindi ito nararamdaman ng mga Pilipino.

Ito ang reaksyon ni House deputy minority leader Bernadette Herrera matapos ipangalandakan ng Malacañang na lumago sa 7.6 percent ang GDP noong nakaraang taon na lagpas pa sa 7.5% target.

“Unfortunately, reports on improving economy do not reflect the reality that millions of Filipinos remain poor and have to struggle daily to earn a living,” ayon sa mambabatas.

Base sa Social Weather Stations (SWS) survey sa huling bahagi ng 2022, tumaas pa sa 51% ang nagsabing mahirap sila o katumbas ng 12.9 million.

Mas mataas ito sa 49% o katumbas ng 12.6 indibidwal na mahirap sa ikatlong bahagi ng 2022 na isang pruweba na hindi ramdam ng mga ito ang ipinagmamalaking pag-unlad ng ekonomiya.

“Many people are saying they do not feel the economic growth because of high electricity rates, slow internet connection, inefficient public transportation system, rising food prices, and stagnating real wages,” ayon pa sa lady solon.

Ipinaliwanag pa ni Herrera na hanggang ngayon ay mataas ang presyo ng mga pagkain at may nagbabanta pang pagtaas ng ilang produkto kabilang ang itlog.

“Economic growth must be inclusive and it must be felt all across the country for all Filipinos,” dagdag pa nito.

Bumalik sa ICC

Sa kabilang dako, naniniwala ang isang mambabatas sa Kamara na makukumbinsi lang ni Pangulong Marcos Jr., na maglagak ng puhunan sa Pilipinas ang mga dayuhang investors kung makikipagtulungan at babalik ito sa International Criminal Court (ICC).

Ani House deputy minority leader France Castro, walang silbi ang mga ipinangakong investment mula sa mga bansang pinuntahan ng Pangulo kung hindi tutuparin ang pangako dahil hindi umiiral ang hustisya sa bansa.

“I along with other Makabayan bloc members urge the Marcos administration to change its mind on the probe and rejoin the ICC, as this will also bolsters President Marcos’ Jr. bid to convince investors to come here,” ani Castro.

Ipinaliwanag ng mambabatas na pawang pangako ang nakuhang investment ni Marcos na mula pa sa mga bansang miyembro ng ICC kaya may posibilidad na hindi ito itutuloy kapag hindi nagbago ng isip ang Pangulo.

Kamakalawa ay nagdesisyon ang ICC na ituloy ang imbestigasyon sa kasong crime against humanity sa Pilipinas kaugnay ng madugong war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at maging ang Davao Death Squad (DDS) noong siya ay mayor pa ng Davao City.

“The ICC has every reason to resume its investigation with the overwhelming number of evidence and statements from the victims’ families,” ayon naman kay Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas dahil wala aniyang nakukuhang hustisya ang mga biktima kahit sa administrasyon ni Marcos.

Hindi naman masisisi ni Albay Rep. Edcel Lagman ang ICC na ituloy ang imbestigasyon dahil alam nila na hindi iniimbestigahan ng Pilipinas si Duterte sa madugong patayan sa Pilipinas dahil sa ilegal na droga.

“The principle of complementarity, which respects the jurisdiction of national courts, cannot be invoked by the Philippines because no less than the alleged principal culprit, former President Duterte, has not been investigated by local authorities nor charged in Philippine courts even as other major reported offenders have eluded justice with impunity,” ani Lagman.

Matagal aniyang pinagbigyan ng ICC ang Pilipinas na gawin ang kanilang trabaho subalit kahit isang kaso ay walang naisasampa kay Duterte bagaman wala na ito sa kapangyarihan.

Nauna rito, binigyang diin ng administrasyong Marcos na hindi nito papayagan at hahayaan ang International Criminal Court (ICC) na makialam at sumawsaw sa gagawing pagresolba sa war on drugs issue na nangyari sa ilalim ng liderato ni Duterte.

Sinabi ng Department of Justice, sa ilalim ng well-functioning justice system ng bansa, magagawa nitong papanagutin ang mga salarin.

Matatandaang, pinahintulutan ng ICC si Special Prosecutor Karim Khan na ipagpatuloy ang imbestigasyon ng napaulat na patayan na may kinalaman sa drug war ng dating Pangulo.

Sinabi ni Justice Assistant Secretary Mico Clavano, hindi iwe-welcome ng departamento ang desisyon na pahintulutan ang pagpapatuloy na imbestigasyon dahil ang Pilipinas aniya ay mayroong working justice system at may kakayahan na litisin ang mga may pananagutan.

Sa ilalim ng international law, sinabi ni Clavano, “complementarity principle is observed, which means that the ICC, or any international court can only come in if a particular country doesn’t have the capability to investigate or is unwilling to do an investigation.”

“What we’re trying to say is we are doing a genuine investigation on the killings from 2016 up to 2019 or even up to the end, 2022. If there’s a working justice system then the ICC cannot come in, and supplant or substitute our working justice system with their own; dahil gumagana naman,” paliwanag nito.

“So in international law, when that happens, they can only complement iyong ating investigation, and they cannot substitute,” ang wika pa ni Clavano.

Ang Pilipinas aniya ay nakikipagtulungan sa ICC. Sa katunayan, noong Setyembre 8, 2022, iniulat nito ang progreso ng kanilang imbestigasyon sa war on drugs ng administrasyong Duterte at nagsumite ng mga dokumento, case records, at investigative files subalit hindi ito sapat para sa ICC.

Aniya pa, base sa kasaysayan ng ICC, ang lahat ng mga bansang inimbestigahan nito ay African countries gaya ng Uganda, Congo at Sudan na walang ‘well-functioning justice system’ at nakaranas ng breakdown sa civil order.

“Kaya po if we accept the decision of the ICC, it is as if we are admitting that we are on the same level as those countries – wala talagang gobyerno, nagkakagulo talaga doon,” ayon kay Clavano.

Alinsunod din aniya ito sa polisiya ni Pangulong Marcos Jr. na ang Pilipinas ay hindi na isang member-state ng Rome Statute, at nasa labas na ng ICC jurisdiction.

Sa kabilang dako, magsasagawa naman ang DOJ ng full-blown investigation sa war on drugs ng nakalipas na administrasyon.

Mangangalap ito ng tamang ebidensiya, kukuha ng mga testigo at magsasagawa ng tamang pag- screen sa lahat ng facts ng mga kaso.

Sinabi pa ni Clavano na ang proseso ay matagal at hindi mabilis ang paghatol sa kabila ng ‘ultimate goal’ ng administrasyon. (May dagdag na ulat si CHRISTIAN DALE)

100

Related posts

Leave a Comment