PINOY PRAYORIDAD SA CHINA-FUNDED PROJECTS

chinese122

(NI BERNARD TAGUINOD)

TINIYAK ng liderato ng Department of Transportation (DOTr) sa mga mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na mga Filipino ang mga kukunin na magtatrabaho sa mga imprastraktura na popondohan ng China.

Ginawa ni DOTr Undersecretary for Railways Timothy John Batan ang paniniguro sa pagharap nito kasama si DOTr Secretary Arthur Tugade at iba pang transport officials, sa House oversight committee hearing sa Kamara, Lunes ng umaga.

Ayon kay Batan, isa ito sa mga napagkasunduan sa pagitan ng Pilipinas at China sa sideline meeting nina Pangulong Rodrigo Duterte at Chinese President Xi Jinping sa China kung saan dumalo ang Pangulo sa Second Belt and Road Forum for International Cooperation.

Sinabi ni Batan na hindi lamang umano sa Philippine National Railways (PNR) Bicol projects ipaprayoridad ang mga Filipino construction workers kundi sa lahat ng Official Development Assistant (ODA) funded projects ng China.

Natanong ang DoTr  sa isyung ito dahil sa mga report na marami sa mga Chinese funded projects ang mga Chinese nationals ang nagtatrabaho kaya naagawan ng trabaho ang mga Filipino.

Sinabi naman ni Magdalo party-list Rep. Gary Alejano na dapat totohanin ito ng gobyerno dahil sa Chico River Irrigation projects ay mayroong 66 Chinese national na nagtatrabaho dito.

Hindi naniniwala ang mambabatas na highly-skilled ang mga Chinese nationals na ito dahil kayang-kaya umano ng mga Filipino ang trabahong ginagawa ng mga ito sa nasabing proyekto.

256

Related posts

Leave a Comment