PINSALA NI ‘KARDING’ SA PANANIM HIGIT P1B NA

(JESSE KABEL/CHRISTIAN DALE)

LUMOBO pa ang halaga ng pinsala ng nagdaang Bagyong Karding sa sektor ng agrikultura.

Sa talaan ng Department of Agriculture (DA), mula sa P1.29 billion na unang iniulat, pumalo na ngayon sa P1.97-B ang halaga ng pinsala sa agricultural products.

Ang mga dagdag na datos ay mula Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon at Bicol Region.

Tumaas din sa 148,091 ektarya ng farm lands at 88,520 ng magsasaka at mangingisda ang naapektuhan.

Sa imprastraktura naman, umaabot na umano sa P23,050,000 ang halaga ng pinsala sa tatlong rehiyon sa Luzon.

Sa pinakahuling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), pinakamalaking pinsala ay naitala sa Cordillera Administrative Region na nasa P19.6 million.

Sinundan ito ng MIMAROPA na nasa P3 million at Ilocos Region na nasa P450,000.

Kaugnay nito, ipinagmalaki ng National Irrigation Administration (NIA) na nakontrol ang malawakang pagbaha at peligro sa buhay ng maraming tao sa maagap na pagpapalabas ng tubig sa ilang dam bago pa manalasa ang Super Typhoon Karding.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni NIA Administrator Benny Antiporda na Sabado pa lamang ay sinimulan na nila ang pagpapalabas ng tubig partikular sa Magat Dam at natapos sila ng Lunes ng hapon.

Sa paliwanag ni Antiporda, 1 meter gate lamang ng Magat Dam ang kanilang binuksan noong Sabado at nakontrol naman ang tubig mula sa lakas ng bagyo at hindi na kinailangan pang magbukas ng isa pang gate.

Maganda aniya ang naging resulta nito dahil nakontrol ang takbo ng tubig pati sa river system ng rehiyon kaya hindi ito umapaw at hindi nagresulta ng malaking pagbaha sa Aurora at Isabela.

Pagkilala sa 5 Rescue Workers

Samantala, kinilala at dinakila ni Pangulong Marcos Jr. ang limang rescuer na namatay sa kasagsagan ng pananalasa ng Bagyong Karding.

“Their courage and bravery will live on in our memory,” ani Pangulong Marcos Jr.

“I am deeply saddened to hear that we lost five good men to Typhoon Karding yesterday. Our prayers go to the families of George Agustin, Troy Justin Agustin, Marby Bartolome, Narciso Calayag Jr., and Jerson Ressurreccion,” ayon sa Pangulo sa kanyang Twitter post.

5

Related posts

Leave a Comment