PLANONG BUCOR HQ SA MASUNGI GEORESERVE PINABUBUSISI

PINABUBUSISI ni Senador Nancy Binay sa kaukulang komite sa Senado ang plano ng Bureau of Corrections na magtayo ng bagong headquarters sa Masungi Georeserve sa Tanay, Rizal.

Sa kanyang Senate Resolution 495, sinabi ni Binay na naalarma ang Ecotourism and Conservation site Masungi Georeserve nang mag-inspeksyon na ang BuCor sa sinasabing relocation site ng New Bilibid Prison.

Ipinaalala ni Binay na ang Masungi Georeserve ay isang conservation area at inilarawang rustic rock garden sa rainforests ng lalawigan ng Rizal.

Nakasaad din sa resolution ang pahayag ni Ann Dumaliang, co-founder ng Masungi Georeserve na ang tinatarget na relocation site ng BuCor ay may mga limestone formations at kasama sa conservation efforts.

Binanggit pa ng senador na noong 2019, nakatanggap ang Masungi Georeserve ng international recognition mula sa World Tourism Organization Awards dahil sa tourism practices nito.

Kinontra rin ng Masungi Georeserve Foundation ang pahayag ni BuCor Director General Gregorio Catapang Jr. na ang lugar ay pag-aari ng Bucor.

Sinabi ni Dumaliang na ang lugar ay kasama sa kanilang joint venture project ng DENR.

Iginiit ni Binay na bagama’t maganda ang adhikain na mailipat ang NBP, mahalaga ring balansehin ang posibleng epekto ng pagtatayo ng headquarters nito sa isang ecotourism site sa kalikasan sa kabuuan. (DANG SAMSON-GARCIA)

40

Related posts

Leave a Comment