NAKAUMANG na ang kasong plunder, hindi lamang kay Vice President Sara Duterte, kundi maging sa kanyang mga opisyales sa Office of the Vice President (OVP) at sa dating pinamumunuang Department of Education (DepEd).
Isiniwalat ito ni House senior deputy speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr., kahapon lalo na kapag hindi naipaliwanag ni Duterte at kanyang mga tauhan kung saan ginamit ang P125 billion confidential funds ng OVP noong 2022 at maging ang P150 billion na kahalintulad ng pondo sa DepEd noong 2023.
Nabuo ang plano matapos mapatunayan sa huling pagdinig ng House committee on good government and public accountability na pinamumunuan ni Manila Rep. Joel Chua na tatlong tseke na nagkakahalagang P37.5 million ang inisyu kay dating DepEd Special Disbursing Officer (SDO) Edward Fajarda at inencash sa unang bahagi ng 2023.
“Pera ito ng taong bayan, at kailangan nating tiyakin na ito ay nagamit nang tama. Kung ang Bise Presidente, bilang pinuno ng DepEd noong panahong iyon, ay hindi makapagbigay ng malinaw at sapat na paliwanag kung paano ginamit ang perang ito, tungkulin namin na ituloy ang kinakailangang mga legal na hakbang, kabilang ang kasong plunder, upang maprotektahan ang interes ng publiko,” ani Gonzales.
Bukod ang halagang ito sa P15 million na ginamit umano ng DepEd para sa Youth Leadership Summit (YLS) subalit itinanggi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na may natanggap silang intelligence funds sa nasabing ahensya.
Ayon sa mambabatas, P112.2 million sa P150 million confidential funds ng DepEd ang hindi maipaliwanag kung saan ginamit na lagpas na sa P50 million na itinakda ng batas para kasuhan ng plunder ang isang opisyal ng gobyerno.
Hindi pa kasama rito ang confidential funds ni Duterte noong 2022 kung saan naubos ang P125 million sa loob ng 11 araw at base sa report ng Commission on Audit (COA), P73 million dito ang pinarerefund dahil ginamit ito sa mga bagay na walang kinalaman sa intelligence gathering.
Ang bise presidente ay maaaring tanggalin sa pamamagitan ng impeachment subalit sinabi ni Gonzales na pwede itong kasuhan dahil wala itong immunity tulad ng Pangulo ng bansa. (BERNARD TAGUINOD)
46