PNP di kayang sumagupa mag-isa DICT AT NTC SASABAK NA RIN VS. E-SABONG

HINDI sapat ang kakayahang teknikal ng Philippine National Police (PNP) para maisakatuparan ang direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr – ang tuluyang tuldukan ang ilegal na operasyon ng mga sindikato sa likod ng e-sabong.

Patunay nito ang pagdulog ng PNP sa dalawang iba pang tanggapan ng gobyerno: ang Department of Information and Communications Technology (DICT) at National Telecommunications Commission (NTC).

Kasabay ng pagtanggap ng talaan ng mga e-sabong sites, nagpahayag ng positibong tugon ang DICT at NTC na kapwa nagpahayag ng angkop na suporta sa isinagawang pagtugis ng kapulisan gamit ang makabagong teknolohiyang wala sa PNP.

Pagtitiyak ng dalawang ahensya, handa nilang tapatan ang modernong teknolohiyang ginagamit ng mga sindikatong nagpapatakbo ng e-sabong sa iba’t ibang panig ng bansa.

Magugunitang maging ang Pangulo, naalarma sa patuloy na operasyon ng e-sabong – dahilan para kagyat na maglabas ng Executive Order No. 9 na naglalayong itigil ang operasyon ng online talpakang kinahuhumalingan ng maraming PIlipino – kabilang ang mga menor de edad na namumusta gamit ang kani-kanilang cellphones.

Ayon kay PNP Spokesperson PCol. Jean Fajardo, ngayong naisumite na nila ang listahan ng mga e-sabong sites ay pinapaubaya na ng pambansang kapulisan ang pagmo-monitor ng e-sabong operation sa DICT at NTC, haabang ang PNP naman aniya ang kikilos para isara ang mga establisyemento patagong kumikilos at ang pag-aresto sa mga miyembro ng mga sindikato. (JESSE KABEL RUIZ)

133

Related posts

Leave a Comment