(NI AMIHAN SABILLO)
MISMONG si Philippine National Police Chief Oscar Albayalde ang nagtanggol sa mga tauhan ng Special Action Force (SAF) na nakatalaga sa New Bilibid Prsion (NBP) sa Muntinlupa City, kaugnay sa mga report na nakapapasok pa rin ang mga electronic gadgets at mga kontrabando sa Bilibid.
Sinabi ni Gen Albayalde, na walang personal contact ang mga tauhan ng PNP SAF sa mga bilanggo, kundi ito ay trabaho ng mga taga-Bucor. Security contingent lamang umano ang SAF sa Bilibid at tatawagin lang ang mga ito kapag kailangan.
Magugunita na nabulgar sa hearing ng Senado na nakagagamit ng Internet ang mga high profile inmate na nasa Bilibid.
Ito ay makaraang mabuking na nakakapag-Facebook ang bilanggo na si Raymond Dominguez habang siya ay nakakulong sa NBP.
Si Dominguez ay convicted sa isa nitong kaso ng carjacking.
Hindi pa tapos ang kaso nito na ang kanilang biktima ay ang anak na car dealer ni VACC President Arsenio ‘Boy’ Evangelista.
352