(NI NICK ECHEVARRIA)
HANDANG ipatupad ng Philippine National Police (PNP) sa kanilang hanay ang 15 araw na ceasefire sakaling ipag-utos ito ng Pangulong Rodrigo Duterte ngayong holiday season.
Reaksiyon ito ni PNP spokesperson P/BGen. Bernard Banac sa joint statement na ipinalabas ng Government of the Republic of the Philippines (GRP) at National Democratic Front of the Philippines (NDFP) panel na nagrerekomenda sa Duterte administration at Communist Party of The Philippines ng unilateral at reciprocal nationwide ceasefire mula December 23, 2019 hanggang January 7, 2020.
Nakasaad sa joint statement na ipinalabas ng GRP at NDFP peace panel nitong Linggo na kapwa magpapalabas ng ceasefire order ang magkabilang panig sa kanilang mga armed units para itigil pansamantala ang pagsasagawa ng mga opensiba sa panahong umiiral ang tigil putukan.
Layunin ng panukalang ceasefire na magkaroon ng positibong pananaw kaugnay sa nilulutong informal talks, bilang paghahanda sa posibleng muling pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at mga makakaliwang grupo.
Gayunman, nilinaw ni Banac na hindi pa ito opisyal na anunsyo hanggang hindi naglalabas ng pormal na pahayag ang Malacanang.
Ayon kay Banac naka-depende sa magiging desisyon ng kanilang commander-in-chief ang magiging hakbang ng PNP alinsunod sa rekomendasyon ng joint peace panel. Sakaling aprubahan ito ng Presidente, agad silang tatalima sa utos ng kanilang commander-in-chief.
Kinumpirma naman ni Presidential spokesperson Salvador Panelo ang panukalang 15 araw na tigil-putukan na nilalaman ng napagkasunduang joint statement ng GRP at NDFP panel.
Samantala, sa isang pahayag sinabi ni Jose Maria Sison, founding chair ng CPP, na inaasahang magpapalabas ng opisyal na ceasefire order ang magkabilang panig ngayong Linggo.
283