PNP malambot sa parusa PANGGAGAHASA NG PULIS PAULIT-ULIT

0

HINDI dapat palagpasin ng Philippine National Police (PNP) ang pinakabagong insidenteng kinasasangkutan ng isa nilang tauhan na nanghalay diumano sa babaeng rider na nahuli sa checkpoint makaraang walang maipakitang lisensya sa pagmamaneho.

Giit ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas sa PNP, agad tuldukan ang kalakarang sex-for-quarantine pass ng mga tiwaling pulis sa mga checkpoint sa mga hangganan ng mga bayan, lungsod lalawigan at rehiyon.

“Hindi pwedeng pag pumutok lang ang isyu sa publiko, tsaka lang gagawa ng aksyon,” ayon sa mambabatas lalo pa aniya’t hindi ito ang una at huling kaso ng pagsasamantala ng mga pulis sa kababaihan sa panahon ng pandemya.

Base sa mga report, hinuli umano ng suspek na si Police Staff Sgt. Robin Manganga ang biktima dahil nagmamaneho ng motorsiklo na walang dalang lisensya sa Mabalacat, Pampanga noong Oktubre 8.

Imbes na tiketan o i-impound ang motorsiklong sasakyan ng biktima, ginahasa umano ni Manganga ang hindi pinangalanang babaeng rider.

“This incident only adds up to the numerous cases of sexual violence perpetrated by men in uniform. Fabel Pineda, victim of sex-for-quarantine pass scheme, and more women have also fallen prey to these policemen who use their authority to take advantage of the raging pandemic,” galit na pahayag ni Brosas.

Tila hindi umano natuto si Manganga sa mga kabaro nitong una nang kinasuhan dahil sa panggagahasa sa mga hinuli nila sa mga checkpoint na labis na ikinabahala ng militanteng kongresista.

Umapela rin ang mambabatas sa bicameral conference committee na agad aprubahan ang panukalang batas na mag-aamyenda sa Anti-Rape Law kung saan nakaumang ang mas mabigat na kaso sa mga otoridad.

Kailangang bigatan umano ang parusa sa mga persons in authority na masasangkot sa rape case dahil kung hindi ay marami pa ang susunod kay Manganga na inaabuso ang kanyang kapangyarihan.

Kabilang sa probisyon ng nasabing panukala ay hindi pwedeng makinabang ang mga pulis at mga opisyal ng gobyerno sa Good Conduct and Time Allowance (GCTA) kapag nasentensyahan ang mga ito sa kasong rape. (BERNARD TAGUINOD)

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment