LUBHA na umanong nakaaalarma ang dumaraming bilang ng mga kaso ng pagdukot, kidnap for ransom at pagpatay sa Chinese nationals sa bansa na pawang Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) workers na sinasabing dinukot at ipinatutubos ng mga kapwa nila Chinese.
Nitong nakalipas na linggo, tatlong Chinese national na pawang POGO workers, ang na-rescue sa Meycauayan, Bulacan.
Kasunod nito ang ulat na isang babae at isang lalaki na pinaniniwalaang Chinese nationals, ang pinatay at itinapon sa isang construction sites sa Laguna.
Ayon sa ulat, dalawang bangkay ng hinihinalang mga biktima ng kidnapping ang natagpuan sa isang construction site sa Barangay San Miguel, Alaminos, Laguna noong Sabado ng umaga.
Sa inisyal na pagsisiyasat, isang babae at isang lalaki ang mga biktima na kapwa nakaposas ang mga kamay saka isinilid sa sako.
Wala pang pagkakakilanlan ang mga bangkay na ayon sa mga pulis ay Chinese base sa kanilang facial features.
Dahil dito, nababahala ang mga awtoridad sa sunod-sunod na kidnapping at itinapong mga bangkay sa iba’t ibang lugar.
Nabatid na noong Todos Los Santos, dalawang bangkay rin ang natagpuan sa bangin sa gilid ng Marilaque Highway sa Tanay, Rizal.
Makalipas ang wala pang isang linggo, noong Nobyembre 6, dalawa ring bangkay na nasa ‘state of decomposition’, ang natagpuan sa ilalim din ng bangin sa nasabi ring highway na sakop naman ng Sitio Tigkay, Brgy. Magsaysay, Infanta, Quezon. Pawang wala pang pagkakakilanlan ang natagpuang mga bangkay.
Samantala, dalawang Chinese national naman ang nadakip ng PNP-Anti Kidnapping Group at Meycauayan PNP matapos ma-rescue ang tatlong Chinese nationals na dinukot at dinala sa bahay sa isang subdivision sa Brgy. Pandayan, Meycauayan, Bulacan noong Biyernes.
Ayon sa Meycauayan Police Station, dinala ng punong sekyu ng subdivision sa kanilang himpilan ang isang lalaking Chinese na sugatan na sinasabing tumalon mula sa 3rd floor ng bahay habang nakaposas.
Nagsagawa ng imbestigasyon ang PNP-AKG sa sinasabing bahay at doon nakita ang dalawa pang biktima na nakapiring at nakagapos, na sinasabing dumaan sa pagpapahirap matapos silang dukutin, dalawang linggo na ang nakalilipas.
Napag-alamang ang mga biktima ay dating trabahador sa isang POGO.
Patuloy naman sa kanilang imbestigasyon ang mga awtoridad.
(JESSE KABEL RUIZ)
258