(NI NICKE ECHEVARRIA)
NILINAW ng Philippine National Police ang alegasyon ng umano’y sobrang higpit ng ipinapataw nilang seguridad kay Senador Leila De Lima sa tuwing dumadalo ito sa mga pagdinig sa korte.
Ipinaliwanag ni P/SSupt. Vicente Calanoga, Chief ng Directorial Staff ng PNP Headquarters Support Service, na tanging kaligtasan ng senadora ang kanilang pinoprotektahan at ginagawa lamang ng mga pulis ang kanilang trabaho dahil si De Lima ay isang high profile inmate.
Kinuwestiyon nina Sister Mary John Mananzan at Ging Deles, dating OPPAP secretary, kasama ang iba pang mga women’s rights advocates sa kanilang pakikipagpulong kay Calanogan, ang labis na istriktong pagbabantay kay De Lima.
May dala pang mga larawan ang nabanggit na grupo kung saan ipinakikitang halos masakal na ang senadora sa higpit ng kanyang mga bantay sa tuwing babalakin ng mga mamamahayag na interbyuhin ito, at tila sinasadya pang umubo at mag-ingay ng mga security escorts upang hindi maintindihan ang mga sasabihin nito.
Natural lamang, ayon kay Calanoga, na pigilan ng mga PNP security escorts ni De Lima ang sinumang individual na magtatangka at basta na lamang lalapit sa kanya.
Nangako naman si Calanoga sa mga kumukwestyon sa seguridad ni Delima na pag-aaralan at titingnan nilang mabuti kung may dapat ba silang baguhin sa ipinatutupad na security measures sa senadora na nakapiit sa PNP custodial center sa Camp Crame.
147