PNP, NBI MAY PERSONS OF INTEREST NA SA ‘POLVORON’ DEEPFAKE VIDEO

SINASABING may ‘persons of interest’ nang tinututukan ang Philippine National Police at National Bureau of Investigation na posibleng nasa likod ng umano’y peke at malisyosong video na layong sirain si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Nabatid na nagtutulungan ang PNP at NBI upang masolusyunan ang isyu hinggil na inilabas na deepfake video na nagmula pa umano sa isang kaganapan sa United States kung saan ipinalabas ang tinaguriang polvoron video.

Ibinunyag ng PNP at NBI na sa kanilang isinagawang spectral imaging analysis ay nakita na ang video ay prinoseso upang ilarawan si Marcos na sumisinghot ng puting powdery substance mula sa isang maliit na tila cup.

Sinasabing abala na ang NBI upang lumikha ng isang airtight case laban sa mga responsable sa paggawa at pagpapakalat ng video na unang ibinahagi sa panahon ng isang political gathering sa Los Angeles, California.

Inihayag ni NBI Director Jaime Santiago na may natukoy na silang mga ‘person of interest’ subalit kumukuha pa rin sila ng sapat na ebidensya.

Base umano sa NBI digital forensics, ang lalaki sa isang binagong video na naglalarawan kay Pangulong Marcos na kumalat online, ay tiyak na ibang tao.

Idinetalye ng abogado na si Jeremy Lotoc, pinuno ng NBI Cybercrime Division, ang proseso ng pagsusuri at pagpapatunay sa nasabing video.

Sinabi ng NBI, ang paghahambing ng mga anggulo ng mukha ni Marcos at ng indibidwal sa video ay nagpakita na ang isa ay natatangi sa Pangulo sa isang panig, at ang isa ay natatangi sa lalaki sa video mula sa ibang panig.

Inihayag naman ni Justice Undersecretary Hermogenes Andres na ang pagpoproseso ng pekeng video ay nagpakita na “ang intensyon ay talagang gumawa ng maling representasyon.”

Magugunitang inihayag ni DND Secretary Gilberto Teodoro na ang paglalabas ng peke at malisyosong video na layuning sirain si Pangulong Marcos ay bahagi ng pagtatangkang guluhin ang administrasyon. (JESSE KABEL RUIZ)

134

Related posts

Leave a Comment