(NI DANG SAMSON-GARCIA)
UMAPELA si Senador Grace Poe sa Department of Transportation (DOTr) na pag-isipang mabuti ang desisyon na bawasan ang alokasyon ng Angkas upang bigyang-daan ang pagpasok ng bagong kumpanya.
Sa kanyang sulat, nanawagan si Poe kina LTFRB Chair Martin Delgra at TWG (Technical Working Group) Chair retired Police Major Antonio Gradiola Jr. na ikunsidera sa kanilang desisyon ang timing ng pagbabawas ng alokasyon.
Binigyang-diin ni Poe na bagama’t naniniwala siyang dapat magkaroon ng kompetisyon sa industry ng motorcycle taxi, dapat naman anya itong gawin sa paraang walang maisasakripisyo lalo na ang kapakanan ng mga pasahero.
“While competition is a welcome development and opening the market to other players is agreeable on principle, we need to consider the timing of this decision in the context of increased demand due to the holidays and the dire need for alternative mass transport in the metros,” saad ni Poe sa kanyang liham.
Ipinaalala ni Poe na dapat unahin ang kaligtasan ng mga pasahero na maapektuhan ang biglaang desisyon ng LTFRB na bawasan ang alokasyon ng Angkas upang paboran naman ang bagong player na sa ngayon ay wala namang 99% safety rating at track record.
Tiniyak din ni Poe na sa pagbabalik ng sesyon ng Senado sa Enero ay prayoridad ng Senate Committee on Public Services ang pagdinig sa mga panukala na gawin nang legal ang motorcycle taxis.
184