POGO MONEY GINAMIT SA WAR ON DRUGS

MULA sa Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) ang perang ipinambayad umano sa mga pulis na makakapatay na isang Pilipino na inaakusahang sangkot sa ilegal na droga noong panahon ng war-on-drugs ni dating pangulong Rodrigo Duterte.

Ito ang isiniwalat ni House committee on human rights chairman at Manila Rep. Bienvenido Abante Jr., sa press conference kahapon, kasama ang apat na mambabatas na bumubuo sa Quad-Committee na mag-iimbestiga sa organisadong sindikato na kumikilos sa Pilipinas.

Ang Quad-Com ay binubuo ng House committee on dangerous drugs, committee on public order and safety, committee on public accounts at committee on human rights dahil nasa panganib umano ang seguridad ng bansa dahil sa sindikatong ito ng mga Chinese nationals kasabwat ang ilang Pilipino na elected at appointed umano subalit hindi na pinangalanan.

Ayon kay Abante, naestablisa sa kanyang imbestigasyon sa extrajudicial killings na binabayaran ang mga pulis ng P20,000 hanggang P60,000 sa bawat mapatay ng mga ito kaya posibleng ito ang dahilan kaya umabot sa halos 30,000 ang pinatay kasama na ang 7,000 na napatay sa police operations.

“Yung exchange ng pera, yung pera yung galing sa POGO galing sa gambling na ibinabayad sa mga kapulisan natin,” ani Abante nang tanungin kung bakit kasama ang kanyang committee sa Quad-committee.

Sa Agosto 15 ay sisimulan ng Quad-Com ang kanilang pormal na imbestigasyon kung saan sinabi ni Abante na ipatatawag nila si Duterte at Senador Ronald ‘Bato’ Dela Rosa.

“Inimbitahan namin uli siya (Duterte) , the thing is even the other committee would want to invite the former president,” ani Barbers at maging si Dela Rosa, hindi bilang senador kundi bilang dating hepe ng Philippine National Police (PNP) na siyang nagsimula ng Oplan Tokhang.

Kailangan aniyang sagutin nina Duterte at Dela Rosa ang reward money na ibinibigay sa mga pulis na nakapapatay sa sangkot sa illegal na droga.

Sinabi naman ni Abang Lingkod party list Rep. Caraps Paduano na isa sa mga dahilan kung bakit kasama ang kanyang Committee on public accounts dahil may mga elected at appointed officials sa gobyerno ang kasabwat na malaking sindikato na ito ng mga illegal POGO na konektado din umano sa sindikato ng droga. (BERNARD TAGUINOD)

199

Related posts

Leave a Comment