(CHRISTIAN DALE/BERNARD TAGUINOD)
BIGO ang Mababang Kapulungan ng Kongreso na maidiin sa kanilang political attacks si Vice President Sara Duterte.
Ganito ang lumilitaw sa pahayag ni VP Sara na dahilan kung bakit hindi na niya idinepensa ang 2025 budget ng kanyang tanggapan na nagkakahalagang PHP2.037 billion.
Matatandaang paulit-ulit ang sagot ng bise presidente na ‘I would like to forgo the opportunity to defend the budget in the question and answer format.’ I will leave it up to the House to decide on the budget submitted” sa Aug. 27 budget hearing sa Kamara.
“Nakikita namin na ginagamit siya ng ibang mga miyembro, iilan na mga miyembro ng Kongreso para umatake sa akin dahil hindi kami magkasama sa pulitika,” ayon kay VP Sara.
Pinalagan din niya ang pagtawag sa kanya na “spoiled brat”.
Aniya, sanay na siyang sumagot sa iba’t ibang usapin maging sa ambush interviews o o unarranged interviews, para sa kaalaman ng publiko.
“Sanay ako sa ganyan, at alam ng taong bayan na hindi ako bratinella o spoiled brat dahil kilala nila ako simula noong ako ay nasa Davao pa, simula ng ako ay mayor pa hanggang naging Vice President ako,” lahad nito.
Binoykot Kamara
Sa pagpapatuloy kahapon ng pagdinig sa budget ng Office of the Vice President (OVP) ay hindi sumipot si Duterte ngunit sumiklab ang word war sa hanay ng mga mambabatas.
Ipinagpaliban ang pag-apruba noong Agosto 27, 2024 nang tumanggi ang Bise Presidente na sagutin ang mga tanong lalo ang isyu ng P125 million confidential funds na ginastos nito sa loob ng 11 araw noong 2022.
Gayunpaman, sa sulat ni Duterte kay House Speaker Martin Romualdez at chairman ng nasabing komite na si Bicol party-list Rep. Elizaldy Co, isinimute nito ang lahat ng dokumento hinggil sa budget ng kanyang tanggapan sa 2025.
“I also articulated my position on the issues outlined in my opening statement during the previous hearing on 27 August 2024. We defer entirely to the discretion and judgement of the committee regarding our budget proposal for the upcoming year,” ayon sulat ni Duterte.
Hindi ito nagustuhan ng mga mambabatas lalo na ang Makabayan bloc dahil hindi umano nirerespeto ni Duterte ang kapangyarihan ng Kongreso na busisiin ang budget ng lahat ng ahensya ng gobyerno kasama na ang OVP.
“Pamboboykot ito Madame chair,” ani House deputy minority leader France Castro kung saan pinatunayan umano ni Duterte ang kanyang pagiging “bratinela” habang sinabi naman ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas na kahit ayaw ni Duterte na sagutin ang mga tanong ay dapat pa rin itong dumalo sa pagdinig at idepensa ang kanyang budget.
Naging matensyon ang pagdinig nang ibasura ng 48 sa 51 miyembro ng komite ang mosyon ni Sagip party-list Rep. Rodante Marcoleta na i-terminate ang pagdinig sa budget ng OVP bilang paggalang sa nasabing tanggapan bukod sa tradisyon na aniya ito ng Kongreso.
Habang suspended ang pagdinig, tumayo si Marcoleta at sinita ang presiding chairman na si Marikina Rep. Estella Quimbo dahil noong unang pagdinig ay pinayagan nito na tanungin si Duterte kung papaano nito ginamit ang kanyang pondo.
“Kung ano-anong pinagtatanong niyo sa kanya (Duterte) eh. These questions never happened before. Now ang tanong ko, bakit nangyari noong nakaraan at nangyayari na naman ngayon. You may not like the person, you may not like her presence here but you have to respect the office of the vice president,” ani Marcoleta.
Ipinaliwanag ni Marcoleta na tradisyon na ito kaya noong Lunes ay hindi na pinayagan ang Makabayan bloc na magtanong kung papaano ginagamit ni Marcos Jr., ang kanyang budget.
“Kaya ang tinatanong ko ngayon, are we discarding the tradition and this committee was authorize to discard the tradition?,” tanong pa ni Marcoleta na sinagot ni Quimbo ng “hindi po”.
“Kaya nga, then are we intending to ask questions na naman at ipinatawag nyo na naman kung sino dito,” ayon pa kay Marcoleta kung saan nasa tabi nito si Isidro Ungab na kasama sa tatlong mambabatas na nagtanggol kay Duterte.
Kalaunan ay nanaig pa rin ang kagustuhan ng mayorya kung saan mistulang napasama pa ang OVP dahil natuklasan na ang mga biniling bigas at pagkain ng nasabing ahensya para sa mga kabataang estudyante ay walang naipakitang resibo.
Maging ang 12 satellite office of OVP ay itinuturing na overpriced ang renta, na ayon kay Batangas Rep. Jinky Luistro ay posibleng pasok sa ‘malversation of public funds”.
59