MALAKING hamon ngayon sa Department of Education (DepEd) ang pagbawas sa kanilang pondo para sa Basic Education Inputs program sa inaprubhang General Appropriations Act (GAA) 2020, partikular sa pagpapatayo ng mga bagong gusali nito na tiyak na makaaapekto nang malaki sa bilang ng mga estudyante sa bawat classroom sa mga darating na taon.
Gayunman, ikinagalak ni DepEd Secretary Leonor Briones na nakapaloob sa inaprubahang GAA ang salary increase para sa teaching at non-teaching na kawani ng ahensiya epektibo ngayong January 2020 na aniya ay malaking inspirasyon sa halos isang milyong personnel nito.
Pinasalamatan din ng kalihim si Pangulong Rodrigo Duterte at ang mga miyembro ng Kongreso sa pag-aapruba sa 2020 national budget.
Habang hinihintay ng nasabing kagawaran ang specific details ng inaprubahang pambansang budget, masaya namang tinukoy ni Briones na kapansin-pansin ang idinagdag na pondo sa ilan pang mahahalagang proyekto na kanilang ipinatutupad tulad ng; Voucher Program for Private Senior High School (SHS); Last Mile Schools; at sa Human Resource Development for Personnel sa Schools at Learning Centers. (Nick Echevarria)
183