Pondo ng NBI pinababalik sa dati KAMPANYA KONTRA CYBERCRIME LALAMYA

NAIS ni Senador Win Gatchalian na maibalik ang natapyas na pondo ng National Bureau of Investigation (NBI) para sa susunod na taon upang mapaigting ang laban kontra sa mga insidente ng cybercrime.

Mula P2.3 bilyon ngayong taon, lumiit ang pondo ng NBI sa ilalim ng National Expenditure Program na nasa P1.8 bilyon na lamang para sa 2023.

Dahil dito, nabawasan din ng halos bente porsyento ang pondong inilaan para sa anti-cybercrime enforcement unit ng NBI para sa susunod na taon.

Bumaba ito sa P21.2 milyon mula sa budget ngayong taon na P26.4 milyon.

Kritikal ito, ayon kay Gatchalian, dahil maaaring maapektuhan ang operasyon laban sa cybercrimes lalo na sa panahong patuloy na tumataas ang insidente ng credit card fraud, identity theft, at paglaganap ng spam at phishing messages.

Idinagdag pa ng senador, ngayon higit na kailangan ng mas mataas na pondo para dito habang inaasahan ang nalalapit na pagpasa sa senado ng SIM Registration bill.

“Ang mga insidente ng cybercrime ay umuusbong sa maraming teritoryo kabilang ang Pilipinas. Ang nais natin ay maging advanced ang NBI para labanan at matunton ang mga kawatan kaya kailangang kumpleto ang gamit nila,” saad ni Gatchalian.

“Gagawin namin ang aming makakaya upang maibalik ang halaga na nabawas sa panukalang budget,” dagdag pa ng sendor.

Sinabi rin ni Gatchalian na ang napipintong pagpasa ng mandatory registration ng mga SIM card ay inaasahan din na magbibigay-daan sa NBI na epektibong maipatupad ang anti-cybercrime campaign nito. (DANG SAMSON-GARCIA)

8

Related posts

Leave a Comment