NAUUBUSAN na ng pondo ang mga lokal na pamahalaan na kabilang sa mga apektado ng pagputok ng Bulkang Taal.
Sa Laging handa press briefing sa Palasyo, inamin ni DILG Undersecretary Epimaco Densing na masisimot na partikular ang calamity fund ng mga kinauukulang Local Government Units.
Ito’y dahil sa hindi pa nasisingil na bayad na manggagaling sana sa amelyar at business permits.
Nakikita namang solusyon ng DILG tungkol dito, ang makahugot ng pondo sa kapitolyo ng Batangas at makausap ang Kongreso para sa additional funding.
Kaugnay nito’y inihayag ni Usec Densing na nag-commit na si House Speaker Alan Peter Cayetano na makipagpulong sa kanila para sa additional funding sa mga apektadong LGUs. Maaari rin aniyang makatulong dito ang Office of the President.
ZERO LOOTING
Samantala, target pa rin ng DILG na ‘zero looting’ o walang nakawan na mangyayari sa relief goods at ari-arian ng mga residente na lumikas dahil sa patuloy na paga-alboroto ng Bulkang Taal.
Ani Usec. Densing, noong unang araw pa lamang ay may natanggap na siyang report hinggil sa bagay na ito. Pero sa nakalipas na apat na araw aniya ay wala naman silang natanggap na actual looting report dahil talaga aniyang binabantayan ng kapulisan ang mga lugar na inalisan ng mga tao.
“Kung ang pinag-uusapan po natin ay mga hayop ay most probably ay hindi naman kinuha o aksidente naman na kinuha nang bumalik pero im sure this is not officially a looting issue for us,” ayon kay Usec. Densing.
Ayon kay Norberto Segunial, Jr., alkalde ng bayan ng Santa Teresita sa Batangas, may napaulat na insidente ng nakawan ng relief goods sa mga barangay na naka-lockdown sa isla ng Taal Volcano, habang patuloy ang pag-aalburoto ng bulkan.
Makaulit naman niyang kinlaro na bineberipika pa ang mga naturang ulat.
Ayon sa pinakahuling tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), higit P16.5 milyong halaga na umano ng tulong ang naipadala sa 22,472 pamilya mula Batangas, Cavite, Laguna, at Quezon na nasa iba’t ibang evacuation center matapos sumabog ang Bulkang Taal. (CHRISTIAN DALE)
358