PONDONG PARA SA LIGTAS NA BALIK-ESKWELA, KAPOS

HINDI sapat ang P2.56 bilyong karagdagang pondo para sa ligtas na pagbabalik-eskwela ng mga mag-aaral, ayon sa isang militanteng kongresista kasabay ng paliwanag sa likod ng kanilang pagtutol sa ratipikasyon ng P5.024 trilyong 2022 national budget.

Giit ni ACT partylist Rep. France Castro, walang mararating ang barya-baryang idinagdag para sa Department of Education (DepEd) na naatasang mangasiwa at magbigay katiyakan ng isang mekanismong garantiya ng kaligtasan ng mga estudyante at mga guro, sa ilalim ng 2022 national budget na ipinasa kamakailan ng bicameral conference ng Senado at Kamara de Representante.

“Sa bahagi po ng edukasyon, P2.56 billion na minimal budget increase sa DepEd na hindi tumutugon sa requirement sa ligtas na balik paaralan para sa face-to-face classes sa susunod na taon,” ani Castro.

Gayunpaman, hindi naman tinukoy ng mambabatas ang nararapat na halagang sasapat sa kanyang pamantayan ng isang ligtas ng face-to-face classes sa pagpasok ng buwan ng Enero sa susunod na taon.

Kaugnay pa rin ng 2022 national budget, nagpasaring din si Castro sa aniya’y tinipid na pondong higit na kailangan ng Commission on Elections (Comelec) para sa nalalapit na 2022 general elections sa buwan ng Mayo 2022.

“Kapos na kapos sa P2 billion na kahilingan ng mga guro at volunteer poll workers para sa dagdag na honorarium,” ani Castro, kasabay ng pasaring sa P1.1 bilyong dagdag pananalaping iginawad sa National Task Force-End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

Mula sa P16 bilyong pondo para sa kasalukuyang taon, umakyat sa P17.1 bilyong ang badyet ng NTF-Elcac para sa susunod na taon – higit na mababa kumpara sa panukalang P28 bilyong hirit ng Department of Budget and Management (DBM) na siyang nagsumite ng national expenditure program sa Kongreso nitong nakaraang Hunyo. (BERNARD TAGUINOD)

89

Related posts

Leave a Comment