PORK, INTEL, CONFI FUNDS SA P6.3-T 2025 BUDGET HIHIMAYIN

TINIYAK ng oposisyon sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na kanilang bubusisiin ang 2025 national budget na nagkakahalaga ng P6.352 trillion upang masiguro na hindi ito mananakaw lalo na’t umaabot na sa P15 trilyon ang utang ng Pilipinas.

“We cannot afford na ma-corrupt ang budget na ito,” deklarasyon ni House deputy minority leader at ACT party-list Rep. France Castro kaugnay ng pambansang pondo na inaprubahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Ayon sa mambabatas, partikular na kanilang bubusisiin kung may pork barrel na itinago o nakasingit sa National Expenditure Program (NEP).

Kasamang kakalkalin ang discretionary funds ng Office of the President o pondo na tanging ang Pangulo ang magdedesisyon kung saan gagamitin dahil pera ito ng bayan.

“Pati yung confidential at intelligence funds bubusisiin. Ipinagpatuloy ni Mr. Marcos ang napakalaking confidential at intelligence funds ni ex-President (Rodrigo) Duterte. P4.5 billion. Baka kung saan-saan lang gagamitin,” ani Castro.

Sinabi ng kongresista na kailangang bantayan nang husto ang pambansang pondo dahil malaking halaga dito ay uutangin.

Ayon naman kay Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas, nakarating sa kanilang kaalaman na bubuhusan ng malaking pondo ang Department of National Defense (DND) sa 2025 national budget.

Ito ay sa gitna ng umiinit na tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China dahil sa agawan sa West Philippine Sea (WPS) kung saan inaasahan na may mga serbisyo publiko ang maisasakripisyo.

Sa katunayan aniya, ang unang tatamaan dito ay benepisyo ng health workers at mga miyembro ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na ang pondo ay ilalagay aniya sa unprogrammed funds.

Nangangahulugan na mapopondohan lamang ang benepisyo ng mga health worker at tulong ng PhilHealth sa kanilang mga miyembro kung may sobrang pondo o kaya makautang ang gobyerno. (BERNARD TAGUINOD)

33

Related posts

Leave a Comment