(NI BERNARD TAGUINOD)
IPINASISILIP ng isang mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang posibilidad na ‘pork smuggling” ang dahilan ng African Swine Flu (ASF) ngayon sa ilang probinsya sa bansa tulad ng Rizal.
Sa press conference nitong Huwebes, sinabi ni Magsasaka party-list Rep. Argel Cabatbat malaki ang posibilidad na may nakalusot na mga smuggled pork sa Bureau of Customs (BOC) mula sa ibang bansa na may ASF.
“Ang pinagdududahan naming pinanggalingan nito ay smuggling. Nakapasok ang mga pork imports na ito (na may ASF). Itong smuggling na ito ay matagal nang problema,” ani Cabatbat.
Magugunitang natuklasan ng mga otoridad na ASF ang ikinamatay ng mga baboy sa Rizal at iba pang probinsya na naging dahilan ng pag-iwas ng mga tao sa karne ng baboy.
Ayon kay Cabatbat, matagal nang nagpatupad ng ban ang Pilipinas ng mga karne mula sa ibang bansa na nagkaroon ng ASF tulad ng China subalit nakakapagtataka aniyang nagkaroon ng sakit ang mga baboy.
Dahil dito, hindi inaalis ng kongresista na posibleng may nag-smuggled ng karne mula sa ibang bansa kaya nahawa ang mga alagang baboy sa bansa na nagsimula sa Rizal.
KANING BABOY IBAWAL MUNA
Iminungkahi din ng kongresista sa mga barangay officials na ipagbawal muna ang pangunguha ng mga nag-aalaga ng baboy ng mga tira-tirang pagkain sa mga kabahayan sa kanilang nasasakupan.
Naging kalaran na ang pagkuna ng mga nag-aalaga ng baboy ng mga tira-tirang pagkain sa mga kabahayan at mga restaurant lalo na sa Metro Manila para ipakain sa kanilang mga alaga.
“Pansamantala, ibawal muna ang pagkuha ng mga tira-tirang pagkain para hindi maapektuhan ang iba pang nagbababoy,” ayon pa sa mambabatas.
156