IDINEKLARA ng Korte Suprema na labag sa Konstitusyon ang isang porsyon ng Party-List System Act at Commission on Elections (Comelec) Rules and Regulations ukol sa pagbabawal sa isang natalong kandidato sa isang eleksyon, na tumakbo sa susunod na halalan bilang nominado ng isang party-list group.
Sa desisyon na pinonente ni Associate Justice Jhosep Lopez, pinagbigyan ng korte ang Petitions for Certiorari and Prohibition with Application para sa pagpapalabas ng Temporary Restraining Order at Writ of Injunction, na inihain noong 2021 nina Catalina Leonen-Pizzaro at Glen Quintos Albano, mga kandidato bilang party-list representatives noong 2019 National Elections.
Kinukuwestiyon nila ang “constitutionality” ng Section 8 ng Republic Act 7941 (Party-List System Act) at ang Sections 5 (d) at 10 ng Comelec Resolution No. 10717 ukol sa submisyon ng mga nominee ng mga grupo o organisasyon na tumatakbo sa ilalim ng party-list system.
Sa naturang mga probisyon, pinagbabawalan ang isang kandidato sa isang elective position na natalo sa halalan na muling makatakbo sa susunod na eleksyon bilang nominee ng isang party-list group.
Ikinatwiran ng mga petitioner na walang kapangyarihan ang Kongreso na magdagdag ng kuwalipikasyon sa itinatakda ng Section 6 Article VI ng 1987 Constitution kaugnay ng party-list representatives.
Sa desisyon ng SC, nabatid na ang pagbabawal na makatakbo bilang party-list nominee ang isang talunang kandidato ay lumalabag sa “constitutional guaranty” sa due process dahil hinahadlangan nito ang karapatan na makilahok sa eleksyon na garantisado sa Konstitusyon.
Hindi rin umano maaari na gawing eligibility requirement sa pampublikong opisina ang pagkatalo sa nakaraang halalan o magamit ito bilang pamantayan sa kakayahan ng isang tao na makapagsilbi.
“Applying the rational basis test, the Court held that the assailed portion of the provisions under R.A. No. 7941 and COMELEC Resolution No. 10717 must be struck down, as no substantial distinction exists between candidates who lost in the immediately preceding election vis-à-vis those who won or did not participate therein,” ayon sa desisyon ng korte. (RENE CRISOSTOMO)
