INULAN ng batikos ng netizes at ilang mambabatas ang nag-viral na performance ng drag queen na si Pura Luka Vega. Anila, isa itong pambabastos at pang-aabuso sa ‘freedom of expression’.
Ikinagalit ng marami ang performance ni Pura Luka na ang portrayal ay si Hesus, at ang pag-awit ng “Ama Namin” na danceable version.
Gayunman, binura na ang naka-post na original video na ni-repost ni Pura Luka na may caption na “Thank you for coming to church.”
Ito ay ikinainis ng maraming netizens. Sinabi ng ilan na hindi entertainment ang panalangin at hindi club ang simbahan.
Bagama’t maraming bumatikos, mayroon din namang hindi na-offend at sinabing hindi alam ang ‘art’ ni Pura Luka.
Ang nasabing video ay nagkaroon na rin ng mga komento mula sa mga senador. Tinawag ni Senador JV Ejercito na ‘blasphemy’ ang video at kawalan ng respeto sa kanyang pananampalataya.
Sinabi naman ni Senador Sherwin Gatchalian, ito ay sisira sa lipunan.
Ikinagalit naman ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang video. Aniya, tila parang krimen na ang nasaksihan sa video. Sobrang pambabastos aniya ito sa mga Kristiyano at lubos ang paglapastangan sa pananampalataya ng mga Pilipino.
Maaari rin aniyang nilabag nito ang Article 201 ng Revised Penal Code na naglalayong parusahan ang mga taong nakaka-offend sa kahit anong lahi o rehiyon. Hinikayat niya ang mga awtoridad na pag-aralan ang insidente.
Nanindigan naman si Pura Luka na ang ginawa niya ay isang “art” at hindi siya hihingi ng paumanhin sa nangyari.
Gayunpaman, binigyang-diin niyang nakikinig siya sa mga puna. Hindi raw niya intensyon na manghamak dahil isa rin siyang Katoliko.
Pero sa palagay niya ay naging maingat siya noong ginawa niya iyon.
‘Blasphemous’ – CBCP
ITINURING naman ng Catholic Bishop Conference of the Philippines (CBCP) bilang ‘blasphemous’ ang remixed version ng ‘Ama Namin’ ni Pura Luka Vega.
Sinabi ni CBCP spokesperson Fr. Jerome Secillano, ang performance ni Pura Luka ay pangungutya sa relihiyon.
“‘Yung mga religious elements or sacred elements ng religion, hindi mo naman ginagamit for secular purposes,” aniya. “Nakita natin doon sa ginawang pagsasayaw, merrymaking, performance, nagsisigawan ‘yung mga nakapaligid, kinukuhanan ng video.”
Nagpahayag din siya ng pagkadismaya sa paraan ng pag-awit sa nasabing dasal.
Kabilang din si Bataan 1st District Representative Geraldine Roman, ang first transgender woman na nahalal sa Kongreso, sa mga hindi natuwa sa performance ni Pura Luka. (C ALFONSO)
200