(NI KEVIN COLLANTES)
NAGPAABISO ang Manila Electric Company (Meralco) hinggil sa power interruptions o pansamantalang pagkawala ng suplay ng kuryente na mararanasan sa ilang lugar sa Metro Manila at mga kalapit na lalawigan ngayong Linggo.
Batay sa advisory, sinabi ng Meralco na ang power interruptions ay nakatakdang ipatupad sa mga araw ng Setyembre 3, 4, 5 at 8, dahil na rin nang isasagawa nilang mga maintenance works o pagkukumpuni.
Kabilang sa maaapektuhan ng power interruptions ay ang area ng Tondo, Maynila, sa pagitan ng 10 AM at 4PM ng Set. 3, dahil sa pagpapalit ng poste sa Tindalo Street.
Sa Alabang Muntinlupa City, may power interruption sa pagitan ng 9AM at 9:30AM at pagitan ng 4:30PM at 5PM, ng Set. 5, dahil sa line reconstruction works sa loob ng Westgate Center.
Sa Bagong Ilog, Pasig City ay pansamantalang mawawalan ng suplay ng kuryente sa pagitan ng 9AM at 3PM ng Set. 9, dahil sa pagpapalit ng poste at line reconductoring works sa Sgt. L. Pascua Street.
Inaasahang maapektuhan din ang Dasmariñas City sa Cavite, na makakaranas ng brownout, sa pagitan ng 9AM at 9:30AM at pagitan ng 3PM at 3:30PM, ng Set. 5 dahil sa repair works sa loob ng Meralco-Abubot substation, gayundin ang Trece Martirez at Naic, na magkakaroon naman ng power interruptions sa pagitan ng 2AM at 8AM ng Set. 8, dahil sa maintenance works sa loob ng Meralco–TMC 2 substation at line reconstruction works sa Governor’s Drive sa Bgy. Cabuco, Trece Martirez City.
Apektado rin ang Sta. Rosa City, Laguna na magkakaroon ng pag-upgrade sa mga pasilidad sa Metroville Subdivision, Barangay Pooc, kaya’t magkakaroon ng pansamantalang pagkawala ng suplay ng kuryente mula 11:00PM ng Set. 4 hanggang 3AM ng Set. 5.
Humihingi naman ng paumanhin ang Meralco sa perwisyong idudulot ng kanilang mga pagkukumpuni at nilinaw na ito’y kanilang isinasagawa para higit pang mapaghusay ang kanilang ipinagkakaloob na serbisyo sa kanilang mga kostumer.
159