(NI KEVIN COLLANTES)
MAGPAPATUPAD na naman ng maintenance works ang Manila Electric Company (Meralco) sa papasok na linggo, na inaasahang magreresulta sa power interruptions sa ilang lugar sa Metro Manila at mga kalapit nitong lalawigan.
Sa paabiso ng Meralco, nabatid na ang maintenance schedule ay nakatakdang isagawa sa loob ng pitong araw o mula Mayo 20, Lunes, hanggang Mayo 26, Linggo.
Ayon sa Meralco, apektado nito ang Bel-Air, Guadalupe Viejo at Poblacion sa Makati; Sampaloc at Sta. Mesa sa Maynila; Novaliches, Baesa, Cubao sa Quezon City sa Metro Manila; gayundin ang Sto. Tomas, Batangas ; Sta. Maria, San Jose del Monte City, Bulacan; Amadeo, Silang, Tagaytay City, Maragondon, Naic, Ternate at Dasmariñas City sa Cavite; Calamba City, Los Baños at Biñan sa Laguna at Tanay sa Rizal.
Kabilang naman sa maintenance works na isasagawa ay relokasyon at upgrading ng facilities; line reconstruction works; NGCP line maintenance works; poles replacement, line reconductoring works, repair works at preventive maintenance at testing works sa loob ng Meralco substations.
Kaugnay nito, humihingi naman ng paumanhin ang Meralco sa mga maaapektuhan ng power interruptions.
Ipinaliwanag nito na ang pansamantalang pagkawala ng suplay ng kuryente ay hindi dulot ng kakulangan ng suplay ng kuryente at sa halip ay dala lamang ng kanilang mga maintenance works.
Layunin din anila nito na higit pang mapaghusay ang kanilang serbisyo sa mga kostumer.
166