PRC UMAYUDA SA WATER CRISIS SA OSPITAL

RED CROSS WATER TANKER

(Ni KEVIN COLLANTES)

Maging ang Philippine Red Cross (PRC) ay nabahala at umaksiyon na rin sa kinakaharap na water crisis sa bansa.

Nabatid na nagsuplay ng tubig ang PRC sa mga pagamutang nangangailangan nito kasabay nang panawagan sa publiko na magtipid sa tubig.

Akay kay PRC Chairman at Senador Richard Gordon, una nilang nirasyunan ng tubig ang Rizal Medical Center sa Pasig City, na kabilang sa mga pagamutan na naapektuhan ng interapsiyon sa serbisyo ng Manila Waters, batay na rin sa kahilingan ni Health Secretary Francisco Duque III.

Tumawag umano si Duque kay Gordon upang ipaabot ang problema sa tubig ng pagamutan.

Kaagad namang nagpadala si Gordon ng dalawang 12-liter at apat na 10-liter water tankers, na kayang magkarga ng hanggang 64,000 liters ng tubig kada batch, upang punuan ang 145,000-liter reservoir ng pagamutan.

Ayon kay Gordon, “The problem was formidable. We solved it by providing a pump that can fill the water tanks, which will supply water in the 450-bed hospital. This should help the patients who are vulnerable due to lack of potable and clean water in the facility.”

Paliwanag ng PRC chief, prayoridad nila na masuplayan ng tubig ang mga pagamutan upang matiyak na hindi maaantala ang pagbibigay rito ng healthcare services at makaiwas sa anumang kumplikasyong pangkalusugan, gaya ng sepsis, na isang uri ng impeksiyon sa dugo.

Plano naman aniya nila na makakuha ng mas maraming 10,000-liter water tankers upang makatulong sa iba pang apektadong ospital sa Metro Manila.

Nabatid na sa kasalukuyan ay mayroon nang walong water tankers ang PRC sa Metro Manila, na bahagi ng 20 water tankers nila na nakakalat sa buong bansa.

137

Related posts

Leave a Comment