INIHAIN sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukalang batas para bigyan ng kapangyarihan ang Pangulo na suspendihin ang implementasyon ng dagdag kontribusyon sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth).
Sa ilalim ng House Bill (HB) No. 6772 na inakda nina Speaker Martin Romualdez at House senior deputy majority leader Sandro Marcos, bukod sa pagsuspinde sa premium hike ay maaari ring iurong ng Pangulo ang itinakdang panahon para sa dagdag na kontribusyon sa ilalim ng Republic Act (RA) 11223 o Universal Health Care Act.
Dahil dito, pinaamyendahan nina Romualdez at Marcos, kasama sina Majority Leader Manuel Jose “Mannix” M. Dalipe, Senior Majority at Tingog Party-list Reps. Yedda Marie K. Romualdez at Jude Acidre ang nasabing batas.
“Daily wage earners and many employees, who comprise the majority of PhilHealth members, would save at least P50 a month or P600 a year from their health insurance premium payment if the adjustment were suspended,” ani Romualdez.
Sa ilalim ng kasalukuyang batas na unang ipinatupad noong 2019, imbes na P400 ang pinagsamang kontribusyon ng isang empleyado at employer ngayong 2023 ay magiging P450 na dahil ginawang 4.5% ang kontribusyon mula sa 4.0% noong 2022.
Muli itong tataas ng 5.0% sa 2024 at 2025 kaya kailangan umanong amyendahan ang batas upang magkaroon ng kapangyarihan ang Pangulo na suspindehin ang implementasyon nito.
“The President of the Philippines may, upon recommendation of the Philhealth board, suspend and adjust the period of implementation of the scheduled increase of premium rates during national emergencies or calamities, or when public interest so requires,” nakasaad sa ipinasok na amendent sa Section 10 ng nasabing batas. (BERNARD TAGUINOD)
