PALAY BAGSAK-PRESYO NA SA P9.50/KILO

old farmer12

(NI BERNARD TAGUINOD)

BAGAMA’T dalawang buwan pa lamang ang Republic Act (RA) 11203 o Rice Tariffication Law, nalugmok na nang tuluyan ang mga magsasaka ng palay dahil binibili na lamang ngayon ng P9.50 kada kilo ang kanilang aning palay.

Ito ang dahilan  kaya inihain ni Anakpawis party-list Rep. Ariel Casilao  ang Resolution of Both House (RBH) No. 18  upang hilingin kay Pangulong Rodrigo Duterte na suspendihin muna ang implementasyon ng nasabing batas.

“Alam naman siguro ng ating kapwa mambabatas na matindi na ang tama (ng batas) sa lokal na industriya ng bigas. Ang mga magsasaka ay nagsisiiyakan na, ang mga magsasaka ay luging-lugi na. Bumagsak na po sa pinakamababa.. P9.50 (kada kilo) ang farm gate price ng palay ngayon sa last monitoring namin,” ani Casilao.

Ang nasabing batas ay pinirmahan ni Pangulong Duterte noong Pebrero 15 at naimplementa lamang ito nong Marso 5 matapos mabuo ang Implementing Rules and Regulation (IRR).

Noong panahong iyon, bumagsak na, ayon kay Casilao, sa P14 hanggang P15 ang kada kilo ng palay subalit ngayon ay lalong bumagsak ito sa P9.50 kada kilo na malayung-malayo sa P22 kada kilo noong nakaraang taon o bago naipasa ang nasabing batas.

“Hindi na ito nakatatawa. Hindi ito yung ipinangako ng rice liberalization law kaya hinahamon natin si House Speaker Gloria Macapagal Arroyo, kaya naman iniratsada ang Resolution of Both Houses (RBH) No. 15 (charter change), kaya din naman siguro nilang iratsada ang Resolution of Both Houses No. 18 para sa interes ng magsasaka at mga konsumante (consumers), nakaasa, nakadepende ang kanilang hanapbuhay sa Kongreso, tulungan natin,” ani Casilao.

Isa mga sa pangunahing dahilan kung bakit bumagsak umano ang presyo ng palay ay dahil hindi na namimili ang mga rice traders dahil nakadepende na ang mga ito sa rice importation.

Sa ilalim ng nasabing batas, maaari nang mag-angkat ang mga rice traders nang walang limitasyon kaya bumaha ng imported rice sa bansa kaya hindi na pinansin o binabarat na ang ani ng mga lokal na magsasaka.

Hinamon din ng grupo ni Casilao si Senator Grace Poe na sponsor ng nasabing resolusyon sa Senado bago pa man maging “kasaysayan” na lamang ang mga magsasaka ng palay sa bansa.

 

234

Related posts

Leave a Comment