(NI ABBY MENDOZA)
SA katwirang nakababahala na ang dami ng nagkakasakit ng dengue, isang resolusyon ang inihain sa Kamara ngayong Huwebes na humihiling na imbestigahan ang hakbang ng gobyerno para tugunan ang problema sa dengue.
Sa House Resolution 124 na inihain nina Gabriela Rep. Arlene Brosas, Bayan Muna Reps. Carlos Zarate, Ferdinand Gaite at Eufemia Cullamat, ACT Teachers Rep. France Castro at Kabataan Rep. Sarah Elago, hiniling nito sa Committee on Health na imbestigahan “in aid of legislation” ang mga aksiyon ng pamahalaan sa dengue outbreak sa bansa at kung may sapat na pondo para tugunan ang pangangailangan ng mga nagkakasakit.
Ang hakbang ng mga mambabatas ay kasunod na rin ng pagdedeklara sa dengue bilang national health emergency matapos sa pagkakasawi ng 491 habang dumoble rin ang bilang ng mga nagkakasakit ng dengue.
Ayon sa mga mambabatas nakaaalarma na mula January 1 hanggang July 6, 2019 o sa loob ng pitong buwan ay dumoble sa 115,986 ang kaso ng dengue sa buong bansa mula sa 62,267 noong nakaraang taon.
Nakapanlulumo umano, ayon kay Brosas, na hindi na magawang mai-confine ang ilang mga nagkakaskit ng dengue dahil sa puno na ang mga ospital habang ilang mga ospital umano ang napilitan nang magtayo ng mga tent na sya ngayong nagsisilbing treatment area sa mga tinamaan ng dengue.
Sinabi ni Brosas na dapat alamin sa gagawing imbestigasyon kung nakasasapat pa ang pondong inilaan para sa dengue, gayundin ang pangangailangan para sa bakuna at kung may sapat na personnel at gamot para sa mga biktima.
172