PROKLAMASYON NG MGA SENADOR BITIN NA NAMAN 

comelec500

(NI HARVEY PEREZ)
MULING ipinagpaliban nitong Martes ng Commission on Elections (Comelec),ang proklamasyon para sa mga nanalong  senators at party-list groups dahil sa hindi pa naka-canvass na Certificate of Canvass (COC) mula sa Washington DC ,United States.

Sinabi ni Comelec spokesperson James Jimenez, sa ginanap na pulong balitaan na ginanap sa canvassing center sa Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay City, muli nilang  iaanunsiyo kung kailan idaraos ang proklamasyon.

Malaki ang posibilidad na maisagawa  ito ngayong araw ng  Miyerkoles o bukas ng Huwebes.

“We will announce when, but not today,” ani  Jimenez.

Sinabi ni Jimenez na ipinagpaliban ang nakatakda sanang proklamasyon Martes ng alas-6:00 ng gabi   dahil hindi pa nila natatanggap ang COC mula sa Washington DC kaya hindi pa naka-canvass ang mga ito.

Importante umano ang mga  naturang COC,  na may mahigit 200,000 voters at maaari umano itong magpabago sa ranking ng mga naihalal na senador.

Tinatangka naman makipag-ugnayan ng Comelec  sa Washington DC ngunit ang naging problema ay hatinggabi pa sa Estados Unidos kaya hindi nila ito makontak.

Maaari umanong mai-transmit ang hinihintay na COC   pagsapit ng alas-8  ng gabi ng Martes dito sa Pilipinas.
Maghihintay umano ang mga opisyal ng Comelec, na tumatayong mga miyembro ng National Board of Canvassers (NBOC) para mai-canvass ang COC nitong Martes ng gabi.

“In order to make sure na wala ng movement sa ranking ng mga elected officials, we need to get that right away,” ani Jimenez, na ang tinutukoy ay ang COC mula sa Washington DC.

Nang matanong kung bakit natagalan ang pag-transmit ng naturang COC ay sinabi ni Jimenez na aalamin din nila ang dahilan kung bakit natagalan ito.

Alas  10:25 ng umaga nang muling mag-sesyon ang NBOC at binilang ang mga boto mula sa Kingdom of Saudi Arabia.

Habang isinusulat ang balitang ito ay 166 na sa kabuuang 167 COCs ang natapos na i-canvass ng NBOC.

Samantala, sa partial at official results, nananatili pa rin naman sa Magic 12 sina Cynthia Villar, Grace Poe, Bong Go, Pia Cayetano, Bato dela Rosa, Sonny Angara, Lito Lapid, Imee Marcos, Francis Tolentino, Koko Pimental, Bong Revilla, at Nancy  Binay, habang patuloy na humahabol naman sina JV Ejercito at Bam Aquino.

Habang sa  party-list groups naman, matatag pa rin sa unang pwesto ang ACT-CIS na mahigit 1.5 milyong boto ang lamang sa mga sumusunod na grupo na Bayan Muna, Ako Bicol, Cibac, Ang Probinsiyano, 1Pacman, Marino, Probinsiyano Ako, Senior Citizens, at Magsasaka.

129

Related posts

Leave a Comment