PROSESO SA PAGBIBIGAY NG BACKWAGES NG 10K DATING OFWs SA SAUDI PINABUBUSISI

NABAHALA si Senador Raffy Tulfo sa hindi pa nababayarang back wages at separation pay ng libu-libong overseas Filipino workers (OFWs) na nawalan ng trabaho sa Saudi matapos magdeklara ng bankruptcy ang kanilang mga kumpanya dahil sa COVID-19 pandemic.

Dahil dito, inihain ni Tulfo, Chairperson ng Senate Committee on Migrant Workers ang Senate Resolution (SR) No. 505 na naglalayong imbestigahan ang impormasyon na marami sa mga dating OFW ang bigo nang irehistro ang kanilang claims para sa back pay sa kabila ng pangako ng gobyerno ng Saudi na aayusin ang mga claims.

Matatandaang noong November 18, 2022, inihayag ng Department of Migrant Workers ang pagtiyak ng Saudi Government na babayaran ang back wages at separation pay ng may 10,000 OFWs.
Kabilang sa mga apektado ay mga OFW na nagtrabaho sa Saudi OGer, MMG, the Bin Laden group at iba pang construction firms.

Ang anunsyo ay nangyari matapos makipagpulong si Pangulong Bongbong Marcos Jr. kay Saudi Crown Prince Mohammed bin Salman sa APEC Summit sa Bangkok kung saan pumayag ang huli na sagutin ang P1-bilyong wage claim ng OFWs.

Sa impormasyon ng senador, nasa 200 OFWs pa lamang ang nakapagparehistro para sa claims na nagtapos noong Enero 31, 2023.

Ito ay dahil sa magulo umanong sistema ng pagrerehistro ng mga claims.

Sa kanyang resolusyon, nais ni Tulfo na matukoy ang problema sa proseso at agad na makabuo ng hakbangin para rito. (DANG SAMSON-GARCIA)

112

Related posts

Leave a Comment