‘PROTEKSYON’ NI PDUTERTE SA ‘POGO-CHINESE ILLEGAL HOSPITAL,’ PINUNA

PINUNA ni Senadora Leila de Lima ang posibleng ‘proteksyon’ ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagkakaroon ng mga ospital ng mga Chinese national na pinagdududahang konektado sa industriya ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).

Ratsada ni De Lima sa kanyang press statement: “As usual, when it comes to Chinese shenanigans or nefarious acts, tahimik lang ‘yung top man sa Malacañang sa bagay na ito.”

Si Duterte ang tinutukoy ng senadora na “top man” sa Malakanyang.

Si Duterte rin ang pinaniniwalaan ni De Lima na siyang utak sa pagpapakulong sa kanya dahil walang tigil ang pagbatikos niya sa mga nakikita nitong kapalpakan ng Pangulo.

Pinuna ni De Lima ang pagbalewala ni Duterte sa mga napapabalitang ilegal na pagamutang mamamayang Chinese lamang ang pasyente makaraang makarating kay De Lima ang panibagong ‘ilegal’ na ospital ang nadiskubre at nilusob ng mga pulis sa lungsod ng Makati nitong Mayo 26.

Ayon sa tanggapan ng hepe ng pulisya ng Makati na si Col. Oscar Jacildo, walang lisensya ang Goldstar Medical Clinic and Pharmacy Corporation na magnegosyo.

Wala rin lisensiya ang Chinese doctor na magpraktis ng panggagamot sa Pilipinas.

Apat na pasyenteng Chinese ang nahuli ng mga alagad ng batas.

Ayon sa pulisya, ang nasabing ilegal na pagamutan ay pawang mga Chinese ang pasyente na tinamaan ng coronavirus-2019 (COVID-19).

Nakumpiska ng mga tauhan ni Jacildo ang mga gamot, syringes at mga gamit sa coronavirus testing na halos lahat ay mayroong Chinese labels.

Noong Abril ay sa Parañaque nakadiskubre ng ilegal na pagamutan.

Nitong Mayo 20 ay sa loob mismo ng Fontana Leisure Park sa Pampanga.

Pinakawalan ng mga pulis-Pampanga ang nahuli nilang dalawang Chinese ilang oras matapos ang operasyon.

“How many of these underground hospitals and pharmacies catering only to Chinese nationals — possibly for COVID- infected POGO workers as was the case in Parañaque — are operating right under government’s very nose?” diin ni De Lima.

Kumbinsido si De Lima na naging kalihim ng Department of Justice (DOJ) noong administrasyon ni dating Pangulong Benigno Simeon “Noynoy” Cojuangco Aquino III na mayroong mga protektor ang mga ilegal na pagamutan ng mga Chinese.

“Kataka-taka namang magsulputang animo’y kabute ang mga ito sa mismong bakuran natin nang hindi alam ng gobyerno na siya namang protektor ng POGO. May secret jail na sa tokhang, may secret hospital pa sa mga Chinese. Ano-ano pa kayang mga sikreto mayroon ang gobyernong ito?” tirada ni De Lima.

“Kaya pala walang napapaulat na kaso ng COVID-19 sa hanay ng POGO, dahil sadyang itinatago at kung saan-saan dinadalang palihim ang mga maysakit. At ang pinagdadalhan ay mga lugar pa na malapit sa komunidad,” patuloy ng mambabatas.

Nagtataka ang senadora nang hindi talakayin ni Duterte ang nasabing kontrobersiya sa kanyang ulat sa Kongreso nitong Mayo 25 hinggil sa kalagayan ng implementasyon ng Bayanihan to Heal as One Law. NELSON S. BADILLA

79

Related posts

Leave a Comment