(NI BERNARD TAGUINOD)
“MAPANG-API at hindi makatarungan.”
Ganito inilarawan ng dalawang mambabatas ang plano ng mga ahensya ng gobyerno tulad ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na tanggalin ang mga provincial bus terminal sa kahabaan ng Edsa.
Dahil dito, inihain ni Reps. Ronnie Ong at Alfred delos Santos ang House Resolution (HR) No. 2 para iginiit sa Department of Transportation (DOTr), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Metro Manila Council (MMC) at MMDA na abandonahin ang kanilang plano.
Sinabi ng dalawang mambabatas na mga ordinaryong mamamayan na mula at galing sa mga probinsya ang tatamaan sa planong ito ng mga nabanggit na ahensya dahil nangangahulugan ng dagdag na pasakit ito sa kanila sa gastos at pagod.
“The plan (na alisin ang mga bus terminal sa Edsa) is utterly oppressive, unfair and will result in added burden to the ordinary Filipinos,” pahayag ng dalawang mambabatas sa kanilang resolusyon.
Base sa plano, ang mga pasaherong mula sa Southern Luzon, Bicol Region at Visayas region ay ibababa sa Sta. Rosa Laguna habang ang mga mula sa Northern Luzon ay bababa naman sa Valenzuela City.
Hindi kumbinsido ang mga mambabatas na kapag nawala ang mga bus terminal sa Edsa ay luluwag na ang trapiko dahil hindi naman anila ang mga provincial bus ang nagpapatrapik kundi ang mga pribadong sasakyan.
Maliban dito, dumarating aniya ang mga bus sa oras na hindi rush hour kaya walang dahilan para isisi sa mga ito ang buhul-buhol na trapiko sa Edsa kaya dapat umanong abandonahin na ang nasabing plano at isipin ang kapakanan ng mga ordinaryong tao.
Base sa mga report, tuluyang ipatutupad umano ang provincial bus ban sa Agosto 1 at malaking pasakit umano sa ito sa mga taga-probinsiya.
167