HINDI sapat para makamit ang nutritional o dietary requirements sa isang araw ang threshold na itinakda para sa isang tao para hindi maikonsiderang “food poor”, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Sinabi ng PSA na ang kasalukuyang methodology sa pagtatakda ng food poverty ceiling ay sumasailalim pa sa masusing pagrerebisa.
Nauna rito, sinabi ng National Economic and Development Authority (NEDA) sa pagdinig sa Senado na ‘as of 2023’, ang monthly food threshold para sa isang pamilya na may limang miyembro ay P9,581 o P64 kada tao, kada isang araw.
“The P64 per person-a-day amount was arrived at when the P9,581 monthly food threshold was divided among its members and the approximate number of days in a month,” ayon sa NEDA.
Ang Food threshold ay tumutukoy sa minimum income na required para sa isang pamilya o indibidwal para ma-meet ang pangunahing pangangailangan sa pagkain, “which satisfies the nutritional requirements for economically necessary and socially desirable physical activities.”
Tumutukoy din ito bilang subsistence threshold o “food poverty line.”
Sa kabilang dako, ang paliwanag naman ni National Statistician Claire Dennis Mapa na ang food threshold ay base sa sample food bundles (saklaw dito ang breakfast, lunch, dinner, at snack), na maaaring mag-provide ng basic nutritional needs na inihanda ng nutritionists.
Gayunman, inamin ni Mapa na ang threshold ay “talagang sa tingin natin talaga insufficient ito.” (CHRISTIAN DALE)
38