PUBLIKO PINAG-IINGAT SA PANGANIB NA HATID NG BULKANG KANLAON

PINAYUHAN ng Department of Health (DoH) ang publiko na manatili sa loob ng bahay habang nag-aalburuto ang Bulkang Kanlaon na posibleng maghatid ng panganib sa buhay at kalusugan ng mga tao.

Sa isang advisory na ipinalabas ng kagawaran, iwasang lumabas ng bahay o evacuation center kapag hindi kinakailangan at maging alerto sa mga kondisyon ng kalsada.

Dapat ding maging istrikto na sundin ang mga ipinatutupad na batas-trapiko at maghanda ng emergency bag o Go Bag.

Bilang tugon na rin ito sa patuloy na pag-alburuto na na-monitor ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa Bulkang Kanlaon.

Magdala rin ng sapat na suplay ng pagkain, tubig, damit, first aid at gamot.

Pinaalalahanan din ng DoH ang publiko hinggil sa kahalagahan ng mga paglilinis ng mga abo mula sa bubong at drains kapag tumigil na ang ashfall.

Kapag patuloy pa rin ang pagbagsak ng abo mula sa bulkan, pinapayuhan ang mga tao na huwag munang linisin ang ashfall.

Hinimok din ng ahensya ang publiko na hugasan maigi ang mga kamay bago magluto o kumain, hugasan mabuti ang mga prutas at gulay ng running water at i-check ang expiration date ng nakaimbak na pagkain para tiyak itong ligtas kainin.

Magsuot din ng medical o surgical mask, dust mask o1 basang panyo para maprotektahan ang ilong at safety goggles sa mata.

Sakali naman makaramdam ng respiratory problem dahil sa ashfall, agad kumonsulta sa doktor. (JULIET PACOT)

35

Related posts

Leave a Comment