(BERNARD TAGUINOD)
NAGKASA na ng imbestigasyon ang mababang kapulungan ng Kongreso sa phase out program ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga tradisyunal na pampasaherong jeep dahil sa posibleng epekto nito sa ekonomiya ng bansa.
Sa kanyang House Resolution (HR) 801, inatasan ni Albay Rep. Joey Salceda ang House committee on transportation na siyasatin ang programang ito ng LTFRB upang makagawa ng batas dahil P102 billion income ang inaasahang mawawala kapag tuluyang ipinagbawal ang pamamasada ng mga tradisyunal na jeep.
Ang nasabing halaga ay ibinase ni Salceda sa nawalang kita ng mga tsuper at operators noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic bukod sa mawawalan umano ng transportasyon ang may 11.5 million Pilipino sa buong bansa.
“Memorandum Circular No. 2023 (ng LTFRB) appears to ignore the potentially adverse consequences of a total traditional jeepney phaseout which will displace some 11.5 million daily jeepney commuters,” ani Salceda.
Kapag nangyari ito, lalong sisikip ang mga limitadong transport system at posibleng lalala ang trapiko at pollution, hindi lamang sa Metro Manila kundi sa mga probinsya dahil mapipilitan ang mga tao na bumili ng kotse at motorsiklo.
Base sa nasabing memorandum, binigyan lamang ang mga PUJ operator at drivers ng hanggang Hunyo 30 para sumali sa kooperatiba at palitan ng modernong jeep ang kanilang sasakyan dahil pagdating sa nabanggit na araw ay hindi na maaring pumasada ang mga ito.
Dahil sa ikinasang transport strike, namagitan si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., at inurong ng hanggang December 2023 ang traditional jeepney phaseout.
Sinabi naman ni Deputy Speaker Ralph Recto na kasama sa dapat alamin ng Kongreso kung ang mga modernong jeep ay matibay katulad ng mga tradisyunal na sasakyan.
“Kumusta naman po ang maintenance expenses nila? Mahal ba o mura? Matibay ba sila o sirain? Mayroon bang ready spare parts?” ani Recto dahil sa mga reklamong hindi kasing tibay ang mga ito ng mga tradisyunal na jeep.
Nais din ng mambabatas na magsagawa ng imbentaryo sa mga modernong jeep para malaman kung ilan sa mga ito ang ipinapasada pa o iginarahe na at kung nakapagbabayad sa oras ang mga kooperatiba na ipinautang ng Land Bank of the Philippines at Development of the Philippines para makabili ng modernong jeep.
Hanggang noong Enero 2020, P4.46 Billion na ang inaprubahang loan ng dalawang bangko para pambili ng 2,122 unit ng modernong jeep subalit may mga ulat na 0.3% lamang ang inutang sa nasabing halaga.
